ni Mylene Alfonso | May 8, 2023
Matapos makatanggap ng reklamo mula sa ilang mangingisda sa Manila Bay, sisilipin ng ACT-CIS Partylist ang ongoing reclamation sa Manila Bay.
Ayon kay ACT-CIS 1st Nominee Rep. Edvic Yap, may reklamo ang ilang mangingisda sa Manila Bay na wala na silang makuhang isda sa lugar.
Nabulabog umano ang mga isda dahil sa pagtambak ng lupa sa lugar.
“Kung dati-rati’y diyan lang sila sa nangingisda malapit sa Roxas Boulevard, ngayon kailangan na nilang lumabas at magtungo malapit na sa Batangas daw,” ani Yap.
"Nakonsulta kaya sila sa project na ito o inumpisahan na lang ito nang walang dialogue sa mga stakeholders tulad ng mga fisherman d'yan at mga maliit na negosyo o kainan along the baywalk?" tanong ng mambabatas.
“Hindi po kami kontra sa pag-unlad, pero kung ang pag-asenso ng isang lugar ay pag-alis ng hanapbuhay sa isang ordinaryong tao, medyo magtatanong na tayo kung may alternatibo ba para kumita ang mga mawawalan ng kita d'yan sa lugar”, paliwanag ni Yap.
“May nabasa rin ako na post mula sa isang waiter sa restaurant sa tabi ng dagat d'yan sa Pasay, na magsasara na ang restoran nila dahil lupa na ang katabi nila at hindi na dagat, na siyang dinadayo raw ng mga customer dahil sa sariwang hangin," pahabol pa ng mambabatas.