ni Jenny Rose Albason @News | August 21, 2023
Tinawag na ‘nonsense’ ni Lito Atienza, dating Mayor ng Maynila at former Deputy Speaker ng House of Representatives, ang Manila Bay reclamation sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery kaninang umaga, August 21.
Matatandaang sinuspinde ang 22 reclamation projects sa Manila bay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa mga alalahanin na ang mga ito ay hindi umano pinamamahalaan at ino-operate nang maayos, at nirespeto naman ni Manila Mayor Honey Lacuna ang desisyong ito.
Pinaalalahanan naman ni Atienza si Manila Mayor Honey Lacuna na kailangan nang patigilin ang reclamation sa Manila Bay dahil ito ay public water at yaman umano ito ng bayan.
“'Yun daw reclamation, kalokohan ‘yan, niloloko tayong lahat n’yan. Dagat ‘yan, public water, gift of God, owned by the every citizen,” ani Atienza.
Ipinagmalaki pa ng dating alkalde na noong nanunungkulan pa siya bilang mayor ng Maynila ay crafted at worth of ordinance law ang pag-ban sa reclamation ng Manila Bay.
Giit pa ni Atienza, puro pagnanakaw at korupsiyon lamang umano ang nasa likod ng pangingialam sa Manila Bay.
“Kawawa naman ang Pilipino.‘Yung yaman ng Pilipinas na ang tanging pagkakataon, paraan upang umunlad ang Metro Manila, ibinebenta,” dagdag pa ni Atienza.
Dapat umanong managot ang mga sangkot sa pagbibigay ng permiso sa Manila Bay reclamation.