ni Lolet Abania | June 12, 2022
Dinagsa ng mga tao ang Manila Baywalk Dolomite Beach, na nasa labas pa lamang at naghihintay ng pagbubukas nito, ngayong Linggo, Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Una nang inanunsiyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nakatakdang pagbubukas muli sa publiko ng artificial “white sand beach” ngayong araw, makaraang isara ito upang dumaan sa ikalawang phase ng kailangang rehabilitasyon.
Karamihan sa kanila ay pami-pamilya na pumunta roon ng alas-4:00 pa lamang ng madaling-araw. May iba na naglatag na lamang ng tela at nag-picnic sa labas ng Manila Baywalk Dolomite Beach habang matiyagang naghihintay na magbukas at makapasok sa loob.
Kahit na inabisuhan na ang mga ito ng mga guwardiya na hapon pa magbubukas ang dolomite beach at walang katiyakan kung kailan sila magpapapasok, maghihintay pa rin anila sila ilang oras man o gaano katagal ito abutin.
Marami kasi sa mga ito, ang gustong doon na magdiwang ng kanilang kaarawan dahil sa anila, maganda na ang tanawin ay makakatipid pa. Ginanap ang inagurasyon ng Manila Baywalk Dolomite Beach ng alas-4:00 ng hapon ngayong Linggo.