ni Lolet Abania | December 11, 2021
Muling ibinalik ang pamasahe na P8 sa mga pumapasadang tricycle sa Mandaluyong City, kasabay ng pagluluwag ng mga quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR).
Nagdesisyon ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong na ibalik sa P8 ang minimum fare, kasunod ng pagpayag na ibalik na rin sa tatlong pasahero ang puwedeng isakay sa kada biyahe ng isang tricycle.
Magugunitang noong nakaraang taon ay naging P20 ang minimum fare o pamasahe sa mga pumapasadang tricycle sa siyudad dahil sa isang pasahero lamang ang pinapayagang maisakay, kung saan ipinatutupad ang mga quarantine restrictions sanhi ng COVID-19 pandemic.
Base sa record ng Mandaluyong government, nabawasan na ang mga kaso ng COVID-19 sa lugar at dahil nagluluwag na rin sa mga restriksyon na ipinatutupad, pinayagan na uli na magsakay ng hanggang tatlong pasahero sa siyudad.
Maliban sa P8 na minimum fare, may P1 karagdagan naman sa dagdag ding kilometro ng biyahe, habang P7 ang discounted na pamasahe sa mga senior citizen, PWDs at mga estudyante na magpapakita ng kanilang IDs batay na rin sa city ordinance ng Mandaluyong City.