ni Lolet Abania | November 15, 2021
Nanawagan ang samahan ng mga doktor mula sa Philippine Medical Association sa mga magulang at guardians na huwag nilang dalhin ang kanilang mga anak na edad 11 at pababa sa mga malls sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni Dr. Benito Atienza, pangulo ng PMA, ang panawagang ito sa kabila ng bumababang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa na nag-udyok na luwagan na rin ang mga quarantine restrictions.
“Kahit anong level ang ipatupad, ang hiling natin sa mga magulang ay huwag muna dalhin sa mga mall ang ating mga anak lalo na sa 11 years old pababa,” ani Atienza sa Laging Handa briefing.
“Wala pang available [na bakuna] sa kanila. Ang kailangan ay dalhin sila sa mga park, may social distancing,” sabi ni Atienza.
Una nang naiulat na isang 2-anyos na bata ang nagpositibo sa COVID-19, subalit ayon sa Department of Health (DOH) na isa lamang itong isolated case.
Sa ngayong, tinatayang nasa 30.4 milyong Pilipino ang fully vaccinated na kontra-COVID-19 na malayo pa rin sa target na mabakunahang 80% ng 109 milyong populasyon ng bansa bago ang Mayo 9, 2022.
Matatandaang nagsimula ang COVID-19 vaccination ng gobyerno noong Marso 1, habang ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 ay inumpisahan nito lamang Nobyembre 3.
Isinailalim naman ang Metro Manila sa Alert Level 2 noong Nobyembre 30.
Sa Alert Level 2 protocol, pinapayagan ang mga minors sa loob ng malls, subalit dapat na kasama ng mga ito ay mga fully vaccinated na magulang o guardians.