ni Lolet Abania | March 3, 2022
Hindi na kailangan ng COVID-19 vaccination card kapag papasok sa mga malls sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Huwebes.
Nilinaw naman ni DILG spokesperson Jonathan Malaya na ang mga vaccination cards ay kailangan lamang sa mga establisimyento na kinokonsidera bilang 3Cs -- closed, crowded, close-contact venues, gaya ng restaurants, spas, at sinehan.
“So that we can sort of sort this confusion out, let us follow the advice of the Department of Trade and Industry Secretary Mon Lopez that the vaccination card is not required at the entrance of the mall. It is only required at the exact 3C establishment inside the mall, but not necessarily at the entrance of the mall,” sabi ni Malaya sa isang interview.
Ayon kay Malaya, tatalakayin ito ng DILG sa mga local government units (LGUs). Isinailalim simula Marso 1 hanggang 15, ang National Capital Region (NCR) at 38 iba pang lugar sa bansa sa Alert Level 1, ang pinakamababang COVID-19 risk classification.
Sa ilalim ng Alert Level 1, ang lahat ng establisimyento, mga indibidwal, o aktibidad, ay pinapayagang ma-operate, magtrabaho o isagawa ang full on-site o venue/seating capacity subalit dapat na ipinatutupad pa rin ang minimum public health standards.
Gayunman, sa unang araw ng implementasyon ng Alert Level 1 sa NCR, maraming tao ang dumagsa sa mga malls sa gitna ng COVID-19 pandemic.