top of page
Search

ni Lolet Abania | August 3, 2021



Aabot sa higit P13 bilyon ang magiging gastos ng gobyerno sa pagbibigay ng cash aid sa mga mahihirap na residente sa Metro Manila para sa 2-linggong enhanced community quarantine (ECQ) na magsisimula sa Agosto 6.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., manggagaling ang pondo mula sa savings ng mga ahensiya ng gobyerno na nakasaad sa Administrative Order 41 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo at ang tinatawag na windfall of collection mula naman sa Bureau of Treasury. “This is for 10.7 million residents worth P13.1 billion.


That is the worth of the financial assistance that will be distributed,” ani Roque sa briefing ngayong Martes. Sinabi ni Roque na ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila ay tumaas nang 65% kumpara noong nakaraang linggo sa gitna pa ng mas nakahahawang Delta variant, kaya kinakailangan talagang ipatupad ngayon ang ECQ. “We will not impose it if it is not needed,” dagdag ng kalihim.

 
 

ni Lolet Abania | August 1, 2021



Napatawad na ni Olympics gold medalist Hidilyn Diaz si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo matapos na maisangkot umano ng kalihim sa tinaguriang oust-Duterte plot matrix ang weightlifting champion.


“As a Catholic Christian, napatawad ko na po siya [Panelo]. At masasabi ko na lang na may rason kung bakit nangyari ‘yun. At ito naiuwi ko na po ang gold medal para sa Pilipinas,” ani Diaz sa isang radio show. Inamin ni Diaz na mula nang idawit siya umano sa oust-Duterte plot matrix, nakaranas siya ng hirap na makakuha ng pondo para sa kanyang trip sa 2020 Tokyo Olympics habang kinailangan niyang humingi ng donasyon mula sa private sector para suportahan sa kanyang laban.


Matatandaang noong 2019, ipinrisinta ng noon ay acting Palace spokesperson na si Panelo sa Malacañang media ang isang matrix sa sinasabing "oust-Duterte" plot, kung saan nakatala ang maraming pangalan kabilang dito ang kay Diaz.


Gayunman, nilinaw na umano ni Panelo ang pangalan ni Diaz, habang isinisi sa media ang nangyaring “faulty analysis” ng nasabing matrix. Sa isang television interview noong 2019, ayon kay Panelo, “When a principal gives you a document, it is assumed that it was done [with presumption of] regularity in performing official duty.” “I am sorry and I am sad to know na nasaktan si Hidilyn. I am sorry for that, kawawa naman. Hindi naman iyon ang intensiyon nu’ng mga gumawa ng matrix,” dagdag niya.

 
 

ni Lolet Abania | July 30, 2021



Maglalabas pa lamang ang Malacañang ng guidelines hinggil sa cash aid at public transportation sa Metro Manila kaugnay ng muling pagsasailalim nito sa pinakamahigpit na quarantine protocol sa loob ng dalawang linggo ng Agosto sa gitna ng panganib ng Delta COVID-19 variant.


Ang Metro Manila ay isasailalim sa enhanced community quarantine mula Agosto 6 hanggang 20 na sa nasabing protocol, essential trips at services lamang ang pinapayagan.


“We expect to grant the same amount of cash aid earlier given to Iloilo province, Iloilo City and Gingoog City, and I have talked to Budget Secretary Wendel Avisado and he told me, hahanapan at hahanapan ng paraan,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang interview.


Tinukoy ni Roque ang mga lugar na nasa ilalim ng ECQ mula Hulyo 16 hanggang Agosto 7, na ang tugon aniya ng gobyerno mula sa kasalukuyang polisiya ay magbibigay ng cash aid sa mga mahihirap na pamilya sa ECQ areas.


Nasa P1,000 kada tao o maximum na P4,000 cash aid kada pamilya ang ayuda na inaprubahan nitong Hulyo 29.


“The President will not allow an ECQ implementation na walang ayuda ang mamamayan,” sabi ni Roque.


Matatandaang nang unang ipinatupad ang ECQ sa NCR noong Marso 16 hanggang May 14, 2020, ang mga public transportation ay ipinagbabawal.


Nang ang NCR ay muling isailalim sa ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 11, 2021, ang mga empleyado ng essential at non-essential sectors ay pinayagang pisikal na mag-report sa trabaho at naglaan ng public transportation subalit limitado lamang.


Sa ngayon, hindi masabi ni Roque kung papayagan pa rin ang pampublikong transportasyon kapag sumailalim muli sa ECQ.


“We will let the Transportation department decide on this, may panahon pa naman,” wika ng kalihim.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page