top of page
Search

ni Maeng Santos | June 24, 2023




Nagsagawa ng noise barrage ang mga Person Deprived of Liberty (PDL) na nakapiit sa Malabon City Jail bilang protesta umano sa warden ng nasabing kulungan, Biyernes ng hapon.


Ayon sa ulat, alas-4:30 ng hapon nang magsimulang mag-noise barrage ang mga PDL sa loob ng MCJ na matatagpuan sa Sanciangco St., Bgy. Catmon sa pamamagitan ng pagbasag ng mga salamin ng kulungan.


Pinuprotesta umano ng mga PDL ang warden ng MCJ at ang paglipat ng dalawang PDL na mayores ng nasabing kulungan sa Metro Manila District Jail.


Agad namang nagsagawa ng area security ang mga tauhan ng Malabon City Police malapit sa paligid ng MCJ para masigurong walang makatakas sa mga PDL, maging ang BPF-Malabon ay rumesponde rin sa lugar.


Habang isinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng mga PDL at ng mga awtoridad sa pangunguna ng isang Major.


 
 

ni Lolet Abania | June 3, 2022



Mabilis na pinalabas ng mga awtoridad sa mga opisina ang mga empleyado ng Malabon City Hall ngayong Biyernes ng umaga dahil sa umano’y bomb threat sa nasabing lugar, ayon sa report ng National Police Region Police Office (NCRPO).


Alas-7:06 ng umaga, nakatanggap ang Malabon City Police Station ng impormasyon mula sa Malabon Command Center tungkol sa sinasabing bomb threat.


Agad na pinalikas ng pulisya ang lahat ng personnel na nasa loob ng gusali ng city hall, at kanilang ikinordon ang lugar.


“Likewise, advise SWAT and SECU personnel to proceed at the area to conduct Paneling Operation re: Bomb Threat procedure,” ayon sa police report.


Gayunman, idineklara ng explosive ordnance disposal team na ang city hall ay cleared sa anumang mapanganib at explosive materials. Wala nang iba pang detalyeng ibinigay ang mga awtoridad sa ngayon.


 
 

ni Lolet Abania | May 28, 2022



Isang barangay chairman ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa labas ng kanyang bahay sa Malabon City, ngayong Sabado ng umaga.


Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Filemon Villanueva, 68-anyos, chairman ng Barangay Tonsuya, residente ng C. Perez St., Malabon City.


Ayon kay Police Colonel Albert Barot, hepe ng Malabon City Police Station (MCPS), pasado alas-9:00 ng umaga naganap ang insidente, habang nakaupo ang biktima sa labas ng kanyang bahay nang pagbabarilin siya ng suspek.


Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Habang agad na isinugod si Villanueva sa ospital na sa ngayon ay nagrerekober na matapos magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa tiyan at binti.


Patuloy ang imbestigasyon ng Malabon Police sa pagkakakilanlan ng suspek habang inaalam na rin nila ang motibo nito sa ginawang pamamaril.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page