top of page
Search

ni Lolet Abania | June 23, 2022



Isang plebisito para sa ratipikasyon sa dibisyon ng Maguindanao na maging dalawang probinsiya ay nakatakdang isagawa sa Setyembre 17, 2022, batay sa anunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Huwebes.


Ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, naitakda ng Comelec en banc ang petsa para sa plebisito sa Maguindanao sa kanilang regular session.


Matatandaang inaprubahan at nilagdaan na maging batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 27, 2021 ang Republic Act 11550, kung saan mahahati ang southern province sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.


Sa ilalim ng Republic Act 11550 ay nakapaloob, “the law dividing the province of Maguindanao into Maguindanao del Norte and Maguindanao del Sur, the two provinces will be created upon approval by the majority of the votes cast by the voters of the affected areas in a plebiscite to be conducted and supervised by the Comelec within 90 days from the date of the effectivity of the law.”


Sa naturang batas, ang Maguindanao del Norte ay bubuuin ng mga munisipalidad ng Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, at Talitay.


Ang seat ng gobyerno nito ay Datu Odin Sinsuat. Ang Maguindanao del Sur ay bubuuin naman ng Ampatuan, Buluan, Datu Abdulla Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Sharif Aguak, Sharif Saydona Mustafa, Sultan sa Barongis, Talayan, at South Upi. Ang seat ng gobyerno nito ay Buluan.


 
 

ni Thea Janica Teh | January 3, 2021




Nakaligtas sa isang ambush si South Upi Maguindanao Mayor Reynalbert Insular habang sugatan naman ang kasama nitong isang konsehal at tatlong relief workers sa Barangay Pandan, South Upi ngayong Linggo.


Miyembro si Mayor Insular ng South Upi Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) na pauwi na sana sa kanilang bayan galing sa relief operation sa Barangay Itaw nang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki bandang alas-2 ng hapon.


Ayon kay Major Gen. Juvymax Uy, 6th Infantry Division commander, agad na ni-rescue ng 57th Infantry Battalion ang mga biktima at isinugod sa ospital.


Matapos ang ambush, umatake ang 2 helicopter at nagpaputok ng rocket at machine gun sa mga suspek na hinihinalang tumakas papunta sa bayan ng Talayan, Datu Saudi at Datu Unsay sa Maguindanao.


Hinihinalang ang mga naturang suspek din ang salarin sa paglikas ng halos 12 pamilyang kabilang sa etnikong Teduray sa Barangay Itaw noong Bagong Taon matapos magpaputok ng baril sa kanilang tinitirhan.


Sa ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang mga suspek at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page