ni Lolet Abania | June 17, 2022
Ipinahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong Biyernes na ilalabas na nila ang inisyal na listahan ng 177 magsasaka ng Hacienda Tinang sa Tarlac na makatatanggap ng kanilang land titles.
Ginawa ang anunsiyo sa parehong araw kung saan 83 magsasaka at land reform advocates ang nasakdal o na-arraign sa Capas Regional Trial Court sa mga kasong illegal assembly at malicious mischief matapos na magsagawa ng isang tinatawag na ceremonial cultivation of land o “bungkalan” sa lupang sakahan para markahan ang anibersaryo ng passage ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) law noong nakaraang Hunyo 10.
Tumanggi naman ang mga magsasaka na magpasok ng isang plea kaugnay sa mga kaso. “I would like to inform the public that today ay maglalabas po ang Task Force Tinang ng tarpaulin doon sa areas ng Tinang kung sino iyong initial na mga qualified na magiging beneficiaries natin. These are more or less 177 initial na mga names,” ani DAR Assistant Secretary John Laña sa Laging Handa briefing.
“We are giving seven days for the people to comment and react and then after that, kung wala po silang violent reaction to that then maybe we can proceed with the installation of our farmers [in their individual lots],” dagdag ni Laña.
Isang collective Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ang inisyu sa tinatayang 236 magsasaka ng Tinang pabalik o way back noong 1995, subalit hindi pa sa mga farmer-beneficiaries nai-award ang indibidwal na mga titulo hanggang sa ngayon.
“We will finish what we started and in fact, there is already an approved survey plan for that,” sabi ni Laña. “Based on the last meeting of the Task Force, we will be able to issue individual CLOA before June 30,” dagdag niya.
Ayon pa kay Laña, “The land for distribution for agrarian reform beneficiaries covers 200 hectares based on the collective CLOA issued in 1995.”
Sinabi naman ni Laña na habang ang 1995 collective CLOA na nakabilang ay 236 beneficiaries, ilan sa mga ito ay na-disqualified na dahil ilan din sa mga ito ay ibinenta ang kanilang land rights, hindi nagtrabaho o nagsaka sa lupaing iyon, o nagawang i-convert ang kanilang lupa na walang approval ng DAR.