Dear Maestro,
Ako ay pangkaraniwang misis na walang trabaho. Mister ko lang ang nagtatrabaho, kaya laging kulang sa pang-araw-araw na pangangailangan namin ang maliit niyang kinikita bilang guwardya. Kaya naman todo-higpit ako ng sinturon sa pagtitipid, pero baon pa rin kami sa utang sa mga kapitbahay at kung kani-kaninong tao para lang maka-survive.
Maestro, sa palagay mo, may pag-asa ba kaming makaahon sa kahirapan? Madalas akong tumataya sa lotto pero hindi tumatama ang mga numerong tinatayaan ko. Sana ay mabigyan n’yo rin ako ng masuwerteng numero para kahit papaano ay guminhawa ang buhay namin. March 13, 1981 ang birthday ko.
Umaasa,
Susan ng Bagong Silang, Santa Cruz, Marinduque
Dear Susan,
Ganyan talaga sa simula ang nangyayari sa kapalaran ng mga Taong Four (ang 13 ay 1+3=4) na tulad mo, ganundin silang mga isinilang sa petsang 4, 22 at 31.
Tunay ngang naghihirap at namumroblema muna sila sa buhay, ngunit pagtuntong nila ng edad 40, na sa kaso mo ay sa 2021 ay 40-anyos ka na, ibig sabihin ay wala nang isang taon ka na lang maghihirap. Kasabay ng paghupa ng pananalasa ng Covid-19 sa buong mundo, sa hindi mo inaasahang pangyayari at pagkakataon, pagtuntong mo sa edad na 40 pataas, kusa at unti-unti ka nang makaaahon sa kahirapan.
Bukod sa sarili mong numerong 13 at sa lahat ng numero na may sumatotal na 4, mapalad ka rin sa lahat ng numero na may sumatotal na 8, 1 at 7, tulad ng 8, 17, 26, 35, 44, 1, 10, 19, 28, 37, 16, 25, 34, 43, at iba pang kauri nito. Puwede mo ring subukan ang 1, 19, 28, 34, 36 at 41, ganundin ang 4, 17, 25, 34, 37 at 40. Maaari ka ring humugot ng kumbinasyon mula sa grupo ng mga numerong hinango sa Kabalistic of Numbers: 9841/ 1823/ 1523/ 1175.
Upang matiyak ang malaking panalo sa anumang uri ng pakikipagsapalaran, maghanap ka ng lotto outlet na malapit sa kanal na hindi natutuyuan ng tubig o lugar kung saan ang nasabing lotto outlet na laging matubig ang kanyang paligid. Ang nabanggit na lotto outlet ang magpapatama sa iyo ng jackpot.
Mapalad ka naman sa mga kulay na berde, dilaw at pula, ganundin mula sa ika-19 ng Enero hanggang sa ika-25 ng Marso, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang ika-25 ng Hulyo at mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang ika-25 ng Nobyembre.
Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sundin mo lang ang mga simpleng pormula at mungkahi sa itaas dahil tiyak ang magaganap, sa 2021 hanggang 2022, sa edad mong 40 pataas, kusa na kayong makakabayad sa pagkakautang, makakahon sa kumunoy ng kahirapan hanggang sa tuluyang umunlad ang inyong kabuhayan.