ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | January 19, 2024
Dear Maestro,
Ako ay dating OFW. Umuwi ako rito sa ‘Pinas dahil sa pag-aakalang malaki-laki na ang naipon kong pera na ipinapadala ko sa aking nanay. Akala ko pupuwede na akong makapagpagawa ng bahay at makapagpatayo ng isang maliit na grocery.
Pero, hindi nangyari ang pangarap kong ito at huli na nang malaman kong nagamit pala ng magulang ko sa investment scam ang perang pinag-ipunan ko sa loob ng pitong taon sa abroad. Pilit naming hinahabol ang taong nanloko sa kanila, pero ngayon ay nagtatago na sila. Sa ngayon ay nag-a-apply ako at hindi ko alam kung makakaalis pa ako dahil medyo may edad na rin ako at parang tinatamad na akong mangibang-bansa dahil sa nangyari at nagkataon pang nagkaroon din ng depresyon ang nanay ko.
Sa palagay n’yo, malulusutan ba namin ang problemang ito? Ngayon ay may aplikasyon ako sa dati kong agency, matatanggap pa ba ako at kung oo, kailan naman ito mangyayari? June 9, 1985 ang birthday ko.
Umaasa,
Kate Bayugo ng Jalajala, Rizal
Dear Kate,
Huwag ka nang malungkot at mag-alala, Kate, dahil isang batas ng kalikasan na hindi mapasusubalian na kapag may nawala, may darating muli at kapag may binawi, tiyak na muling may matatanggap. Sa isang pamilya, mapapansin na kapag mahina na sina lolo’t lola at malapit nang bumigay, may mga apo namang naglalakihan upang pumalit o dumagdag sa inyong angkan.Walang iniwan sa isang nabulok na bunga ng bayabas na nahulog sa sanga at nalaglag sa lupa. Sa susunod na araw, ang bulok na bayabas, kusang susupling ng maliliit na binhi mula sa nabulok na bunga ng bayabas at makalipas ang ilang taon, ang dating maliit na supling ng bayabas na nanggaling sa bulok na bunga ang siya namang mahihitik ng panibagong bunga. Ganyan ang natural na batas ng kalikasan na inorasyon ni Lord noong araw na dinisenyo ang kalikasan.
Ang problema, ang batas kalikasan na ipinapaliwanag natin ay hindi kadalasang nangyayari sa isang tao. Sapagkat, ang tao ay hindi tulad ng halaman at hayop dahil masyado siyang madaling sumuko. Ang tao kasi ay likas na mainipin.
Kumbaga, kaunting pagsubok lang ay nalulungkot at pinanghihinaan na agad tayo ng loob - tulad ng nasabi na, dahil sa kalungkutan at hina ng loob, imbes na umusbong at madagdagan ang dahon, agad itong namamatay. Kaya kapag tayo’y nawalan, hindi dapat tayo malungkot at magmukmok dahil sa bandang huli, maaari pa tayong magkakasakit, at baka ‘yun pa ang ikamatay natin.
Kaya tama lang ang ginagawa mo, Kate. Bumangon at lumaban ka. Oo, lumaban at muli kang magsikap, kahit na medyo may edad ka na, mag-apply ka pa rin sa abroad.
Bumuo ka ng bago mong pangarap. Sapagkat ayon sa iyong Travel Calendar, tiyak ang magaganap ngayong 2024, sa edad mong 38, muli kang makapag-a-abroad, at sa ibayong dagat, muli kang makakapag-ipon ng sapat na salapi na magagamit mo upang maipagawa ang sira-sira n’yong bahay at kapag may sumobra, tuluyan mo na ring simulan ang binabalak mong grocery store hanggang sa tuluy-tuloy ka ng umunlad, lumago ang kabuhayan at tuluyan na muling lumigaya ang iyong pamilya.