ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Enero 25, 2024
Bukod sa paglilinis, pagsusuot ng mga suwerteng kulay bilang preparasyon at pagsalubong sa Chinese New Year sa February 9, 2024. Ano pa nga ba ang dapat nating gawin upang tayo'y suwertehin sa buong taong ito?
Tulad ng naipaliwanag na kahapon, dapat ding maghanda ng pansit at iba pang uri ng pasta, dahil ang “mahabang pasta” ay siya ring sumisimbolo ng mahabang pagsasama, mahabang pagmamahalan at mahabang buhay.
Maghanda rin ng mga pagkaing malalagkit at matatamis sa hapagkainan upang mapanatili ang madikit at matamis na pagmamahalan ng bawat miyembro ng pamilya sa buong taong 2024.
Dagdag dito, ang 12 na uri ng prutas na hugis bilog ay mahalaga ring ihanda, at hindi dapat kalimutan ang prutas na pinya, dahil ang prutas na pinya ay nakakapagbigay ng suwerte at magandang kapalaran.
Ang prosperity of bowl ay dapat ding ihanda sa ibabaw ng mesa na ilalagay naman sa sala ng inyong bahay, bilang pagsalubong sa Chinese New year sa darating na February 9.
Ang prosperity bowl ay dapat naglalaman ng 12 pirasong itlog na ipinalibot sa mangkok na nilatagan ng bigas. Isalit-salitan sa mga itlog ang laurel leaves at ang mga perang papel na binilog at tinalian ng kulay pulang ribbon. Pagkatapos, ilagay sa gitna ang kulay golden yellow na prutas na sunkist na sumisimbolo naman ng ginto at kayamanan. Hindi rin dapat mawala sa hapagkainan, ang walong klaseng nuts at mga bilog na matatamis na candies at chocolates. Kung saan, ito naman ay ang tinatawag na “tray of togetherness”. Ilagay ang iba't ibang uri ng nuts, candies at chocolates, sa maliit na walong platito o mangkok, at ilagay ito sa tray.
Ang tray of togetherness ay dapat na ipatong sa ibabaw ng mesa na laging nakikita ng bawat miyembro ng pamilya. Tulad ng nasabi na, Pebrero 9 ng gabi ay dapat masaya na nating ipagdiwang at salubungin ang Chinese New Year upang matamo natin ang suwerte at magandang kapalaran sa buong taong 2024.
Ang lahat ng nasabing handa ay dapat na nasa ibabaw ng mesa sa pagsalubong sa Chinese New Year upang ang suwerte at magagandang kapalaran ay madaling masagap ng inyong pamilya.
Pagsapit naman ng alas-11:30 hanggang alas-11:59 ng gabi, dapat din tayong mag-ingay bilang pagsalubong sa Year of Green Wood Dragon, kung saan, pinaniniwalaang ang paglikha ng ingay ay pantaboy sa mga negative vibrations na nasagap natin nitong nakaraang taong 2023, year of Black Water Rabbit at pampasuwerte.
Bukod sa pag-iingay, ang pagsasabit ng ubas at 9 na palay sa harap mismo ng bahay ay pinaniniwalaang hihigop din ng suwerte at magandang kapalaran sa pagpasok ng taong Green Wood Dragon.
Pagdating naman ng alas-11:45 ng gabi, dapat din tayong magsaboy ng mga barya papasok sa sala. Ito ay dagdag suwerte, at pagdating ng alas-11:55 ng gabi, ilabas mo na sa iyong bulsa ang makapal na iba’t ibang uri ng pera at puwede rin dollar.
Pumuwesto ka sa entrance ng inyong bahay at bilangin mo ang makapal na perang papel na iyong hawak hanggang sa pumasok ang 2024 o ang year of the Green Wood Dragon o ang petsang February 10, 2024.
Kung saan, pinaniniwalaang ang pagbibilang ng makapal na halaga ng salapi ay daan upang sumagana ang iyong buhay, at madoble nang madoble ang iyong kita o income sa buong taong 2024.
Muli, manatili tayong nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n'yo lang mababasa sa pahayagang Bulgar upang marami pa kayong matutunan tungkol sa Chinese Element Astrology, siyempre para mas umunlad, lumigaya ang inyong buhay sa pagpasok na pagpasok ng year of the Green Wood Dragon sa February 9 to 10, 2024.
Itutuloy…