ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | Marso 6, 2024
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo para alamin ang aking kapalaran, pati na ang aking destiny number. Kasalukuyan akong may kinakasama na isinilang noong September 8, 1997, compatible ba kami at kami na ba ang magkakatuluyan habambuhay? Ang birthday ko ay May 14, 1991.
Umaasa,
Ner ng Arkong Bato, Valenzuela City
Dear Ner,
Bukod sa birth date mong 14 o 5, (ang 14 ay 1+4=5), ikaw ay nagtataglay ng destiny number na 3 (5+14+1991=2010/ 20+10=30/ 3+0=3). Kung saan, ang ibig sabihin ng numerong 3, mabibigo ka muna sa unang pag-ibig na nangangahulugan din na hindi mo makakatuluyan ang una mong girlfriend gayundin ang ikalawa.
Kaya kung ang kasalukuyan mong kinakasama na isinilang noong September 8, 1997 ay ang ikatlo mong girlfriend, tiyak ang magaganap – kayo na nga ang magkakatuluyan at habambuhay na magsasama.Ang pag-aanalisang kayo na nga ang magkakatuluyan ay madali namang kinumpirma ng zodiac sign mong Taurus na suwetung-suweto naman sa zodiac sign na Virgo ng kinakasama mo, sapagkat ang Taurus at Virgo ay kapwa pinaghaharian ng iisang elementong lupa o earth.
Ibig sabihin, sa usapang Western Astrology compatible talaga kayo at malaki ang tsansa na kayo na nga ang itinakdang magsama. Gayundin sa Numerology, ang birth date mong 14 o 5, (1+4=5) ay maganda rin isama sa birth date na 8 ng kinakasama mo.
Naging maganda ang pagsasama ng numerong 8 at 5, dahil kapwa sila suwerte pagdating sa pagnenegosyo. Kaya walang duda na ang pagsasama ng numerong 5 at 8 ay tunay ngang umaasenso at yumayaman sa pamamagitan ng walang habas na pagnenegosyo at pangingibang-bansa.
Kaya kung may mag-a-abroad o magnenegosyo sa inyong dalawa habang kayo ay nagmamahalan at nagsasama, tiyak ang magaganap, mabilis na aangat ang inyong kabuhayan patungo sa pagyaman at magsisimula ang lahat sa taong 2032, sa edad mong 41 pataas.