ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-5 Araw ng Abril, 2024
KATANUNGAN
Napansin ko na straight ang Head Line ng aking palad. Ibig sabihin ba nito ay yayaman din ako? Pero kung magiging kuripot ako at walang pakisama ay ayaw ko nang yumaman. Kasi sabi n’yo nang minsang may nabasa ko sa mga artikulo n’yo, ang yumayaman ay dapat magkuripot.
Puwede bang yumaman kahit hindi maging kuripot at ganu’n ba talaga lahat ng mga yumayaman ay nagiging kuripot at walang pakisama?
Ano ang nakikita n’yo sa guhit ng aking palad, yayaman ba talaga ako? Kasi bukod sa straight ang Head Line ko, ang isa pang napansin ko ay kaunti lang din ang guhit ng aking palad, gayundin, malaman at makapal ang palad ko. Ito ay mga indikasyon sa palad na sabi n’yo ay yayaman ang taong may ganitong uri ng palad.
KASAGUTAN
Hindi naman lahat ng mayayaman o yumayaman ay kuripot at walang pakisama, sa halip, karamihan lang naman sa kanila ay kuripot at walang pakisama, dahil kahit ikaw naman, kung ikaw ay magiging bulagsak at galante, paano mo naman mapapanatili ang iyong kayamanan? Kapag hindi ka masinop sa kabuhayan, mauubos at mauubos din ang kayamanan mo kahit gaano pa ‘yan karami.
Dagdag pa rito, kung hindi ka magkukuripot at magsisinop ng kabuhayan, baka kahit super-milyonaryo ka ngayon, mga ilang taon lang, simot na agad ang kabuhayan mo at balik ka na ulit sa dati mong buhay na mahirap pa sa daga.
Kaya ang mayayaman na napapansin n’yong sobrang kuripot, hindi natin sila dapat sisihin, bagkus dapat silang tularan kung gusto nating yumaman at mapanatili ang natamo nating maunlad na pamumuhay.
Samantala, tama ka, Nics. Kandidato ka sa pagyaman, sapagkat kapwa naging straight ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ayaw at sa gusto mo, may panahon sa iyong buhay na magiging materyoso at tuso ka pagdating sa pera. Hindi mo na mapapansin pa sa iyong sarili dahil mientras lumalago ang iyong kabuhayan at kumakapal ang pera mong naiipon, lalo mo rin itong mamahalin at papahalagahan dahil bago mo nakamit ‘yan, naranasan mo rin kung paano ka inapi ng lipunan at mga kakilala mo dahil sa pagiging mahirap.
At dahil ang mga pang-aapi na iyong naranasan ay nanuot sa unconscious mong isipan, hindi mo lang mabigkas, “Magpapakayaman din ako at kapag mayaman na ako, hindi ko kayo tutularan, magiging mabait ako sa mga katulad kong dating mahirap!”
Kaya lang, ang kalahati ng ipinangako mong ‘yan sa iyong sarili ang matutupad at ‘yun ay ang yumaman, pero ang kalahati ay hindi mo na magagawa. Dahil tulad nila, kapag nasa pedestal ka na ng totoong mayaman, hindi mo na mamamalayan na isa ka na rin sa mga kuripot at “sobrang belekoy” sa iyong barangay o lipunang iyong ginagalawa
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Nics, tulad ng inaasahan, hindi na mahahadlangan ang nakatakda mong pagyaman sa edad na 55 pataas at sa taong 2031. Sa panahong ito, kung hindi mo gagayahin ang istilo ng pamumuhay ng mga kakilala mong mayayaman, hindi naman sa kuripot, sa halip ay sinisinop lang ang natamo nilang materyal na bagay, ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) na nahulog sa pagitan ng iyong mga daliri ang nagsasabing kung hindi mo sisinupin ang natamo mong kayamanan, wala pang limang taon, magugulantang ka sa mangyayari. Mabilis na mauubos at masisimot ang iyong kabuhayan at muli kang babalik sa dating hikahos at naghihirap na pamumuhay.
Sa panahong ‘yun, bigla mong maaalala ang artikulong ito at sasabihin sa iyong sarili, “Tama pala si Maestro Honorio Ong, upang umunlad at mapanatili ang kayamanan, kailangang hindi naman magkuripot, ang kailangan ay maging masinop sa kabuhayan.”
Sa ganu’ng paraan, ‘pag naging masinop ka sa kabuhayan, kailanman ay hindi ka na maghihirap at mapananatili mo ang iyong kayamanan, na tiyak namang mamanahin pa ng iyong mga anak, apo at susunod pang mga henerasyon ng inyong saling lahi.Itutuloy…