ni Maestro Honorio Ong @Forecast | Ika-21 Araw ng Abril, 2024
Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng mga animal sign ngayong 2024 o Year of the Green Wood Dragon.
Sa pagkakataong ito, dadako na tayo sa pag-aanalisa ng pangunahing ugali at magiging kapalaran ng Kuneho o Rabbit.
Ang Kuneho o Rabbit ay silang mga isinilang noong taong 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011 at 2023.
Sa aspetong pandamdamin at pakikipagkapwa tao, dahil super love ng mga Kuneho ang tahimik at payapang buhay, kadalasan silang umiiwas sa responsibilidad at hinahayaan na lamang nila na lumipas ang mga pangyayari. Kung saan, inaakala tuloy ng iba na ang Kuneho ay isang pabaya. Pero, hindi naman sila ganu’n. Sa halip, ang mga Kuneho ay may mga layunin at pangarap lang na nakatuon sa ikabubuti at ikagaganda ng kanilang mga pamilya. Ibig sabihin, likas sa mga Kuneho ang matulungin at maasikaso sa kanilang pamilya at nakapokus sila sa kanilang ambisyon.
Kung pagbibigyan sila ng langit na yumaman, tiyak na ang una nilang babalatuhan ng kaligayahan at luho sa buhay ay ang miyembro ng kanilang pamilya, dahil tulad ng nasabi na, likas na matulungin, mapagmahal at mapagbigay ang Kuneho sa kanilang pamilya.
Bukod sa payapa at tahimik na buhay, ang mga Kuneho ay mahiligin din sa nature, at ito rin ang nagsisilbi nilang therapy. Kaya naman, mas pinipili nila ang mapag-isa kesa na makihalubilo sa iba. Dahil dito, napapagbintangan tuloy ang mga Rabbit na isang loner at introvert. Bagama’t may pagka-introvert, ang ikinaganda naman sa Rabbit kahit na sila ay naghihirap at nauubusan ng salapi, hindi sila gaanong naaapektuhan, dahil likas sa kanila ang pagiging optimista.
Tunay ngang kahit na mahulog pa ang Kuneho sa pinakababang kalagayan, mangangarap pa rin sila ng maganda at positibong bagay, dahil hindi namamatay ang ningas ng kanilang espirito na isang araw, uunlad, yayaman at magiging maginhawa rin ang kanilang buhay. Kaya naman ang Kuneho ay laging umaasa, kahit pa na wala ng pag-asa, dahil buo pa rin sa puso nila, at nakakatiyak pa rin sila na uunlad, sasagana at magbabago rin ang lahat.
Dahil likas na mahilig ang mga Kuneho sa magagandang mga bagay at sa mga likhang sining, matatagpuan ang kanyang bahay na may mga collection ng mga mamahaling likhang sining at mga antique na bagay sa kanila, ito rin ang lucky charm nila o panghatak ng suwerte at magandang kapalaran lalo na sa larangan ng pananalapi, pangkabuhayan at materyal na bagay. Bagay na bagay din sa Kuneho ang pagiging mapag-isa, katulad ng pagpunta sa mga lugar na malapit sa kalikasan, arts collector, philanthropist, social worker, anthropologist, at iba pang uri nito.
Dagdag dito, dahil likas sa Kuneho ang pagiging marangal, tugma sa kanilang pagkatao ang old French expression na “noblesse oblige” na nangangahulugang habang may kakayahan sila, patuloy pa rin silang nagiging marangal, at matulungin sa mga taong nangangailangan.
Tunay ngang sa pangkalahatan, dahil likas na mabait at mabuting tao, itinuturing din sila bilang isa sa pinakamapalad na animal sign, kaya madalas silang natatagpuan na may kuntento, successful at maligayang pamilya, lalo na sa panahon ng kanilang katandaan.
Manatiling nakasubaybay sa Forecast 2024 na eksklusibo n’yo lang mababasa sa pahayagang BULGAR upang madami pa kayong matutunan at matuklasan, tungkol sa inyong magiging kapalaran ngayong 2024. Iisa-isahin natin ang pangunahing ugali at magiging kapalaran ng 12 animal signs at kung ano ang dapat n’yong gawin upang suwertehin kayo ngayong 2024.