ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | April 11, 2021
KATANUNGAN
Noon, may babaeng may crush sa akin, pero hindi naman niya ako pinipilit na maging kami, kaya nasayang ang pagkakataon. Torpe at mahiyain kasi ako noon, hanggang sa nagka-girlfriend ako at nakapag-asawa. Habang ang tinutukoy kong babae ay nakapag-asawa ng isang Hapon, kaya sa Japan na sila nanirahan ng kanyang pamilya.
Sa ngayon, nandito siya sa Pilipinas para magbakasyon at hindi niya kasama ang kanyang asawa. Nagkikita kami, nag-uusap at naging magka-close ulit. Parang pinagtiyap ng pagkakataon dahil ngayon ay nagtatrabaho naman ang misis ko sa abroad bilang caregiver.
Sa madaling salita, Maestro, kaunting kuwento at usap na lang, malapit nang may mangyari sa amin, pero pinipigil ko ang sarili ko dahil halata kong gusto pa rin niya ako. Hindi ko malaman kung dapat ba akong bumigay for sexual pleasure dahil dama kong ganu’n lang naman din ang hanap at habol niya sa akin.
Kung sakaling may mangyari sa amin, nakaguhit ba sa palad ko na mahiwalay sa asawa? Sa kasalukuyan, palagi kaming nag-uusap dahil magkapitbahay kami dahil dito siya umuuwi sa matandang bahay ng mga nanay niya. Ang sabi pa niya sa akin, bago siya bumalik ng Japan ay mamamasyal kami at siya ang taya.
KASAGUTAN
Malabo at maaaring hindi mangyayari ang naglalaro sa isip n’yo ng babaeng binabanggit mo dahil nananatiling matino at tuwid ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kahit magparamdam pa nang magparamdam at halimbawang siya na ang nagyaya at natuloy ang inyong pamamasyal, mananatili pa rin ang dati mong ugali na mabait at tapat sa asawa. Kaya sa sandaling natuloy ang inyong pamamasyal, wala ring mangyayari at posibleng hanggang pasyal lang talaga.
Ang ikinaganda pa nito, kung sakali namang manaig ang tawag ng laman at pagnanasang seksuwal, magagalaw mo ang nasabing babae, pero tulad ng naipaliwanag na, hindi lalago sa isang ganap, lehitimo at tunay na pagmamahalan ang inyong sexual escapade na mamamagitan sa inyong dalawa.
Kumbaga, ‘ika nga ni Kuya Manoling nang minsang nagkuwentuhan kami sa bagong bahay niya nang maisipan kong dalawin siya noong nakaraang Mahal na Araw, habang napaliligiran kami ng malagong mga halaman na kanyang inaalagaan, sabi niya, “Alam mo, Honorio, minsang maging mabuti ang isang tao, palagi na siyang magiging mabuti at minsan namang nagpakasama, palagi na siyang gagawa ng kasamaan.”
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Mr.R.Y., sadyang kakaiba ang posibleng mangyari at maganap, “Sa minsang paggawa mo ng ka-imoralan, hindi na ito masusundan pa dahil duwag ka”, (Drawing A. at B. L-L, H-H arrow b.) kaya muli kang makababalik sa matino at mabuting pamumuhay. Sa madaling salita, minsan man kayong magtalik ng babaeng tinutukoy mo, malabo at maaaring ito ay hindi na masusundan pa. Gayunman, hindi mo dapat patusin ang babaeng may asawa na at isipin pang ikaw din ay may asawa at maayos namang pamilya.
Samantala, tunay ngang minsan ay mahirap talagang pigilin ang tukso, lalo na’t kung ito ay may kaugnayan sa pagnanasang seksuwal at makamundo. Pero kahit mahirap, dapat pigilin upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan at mapanatili ang moral value ng bawat isa.
Habang, muli, ayon sa iyong mga datos, nakatutuwang isipin pero ‘wag mo namang gagawin, kahit may mangyari sa inyo ng nasabing babae at mairaos n’yo ang inyong uhaw at pagnanasa sa isa’t isa, sa bandang huli, sa pagbabalik ng iyong misis galing abroad at pagbalik naman niya sa Japan, mananatili pa rin ang kani-kanyang matino, mabuti at masayang pamilya habambuhay (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).