ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Numero | Nov. 13, 2024
Dear Maestro,
May nabili kaming bagong bahay. Pina-renovate agad namin ito at malapit na rin itong matapos, pintura at kaunting dekorasyon na lang ang kulang.
Maestro, ano bang magandang kulay ang bagay sa bahay namin at ano’ng pandispley ang dapat naming ilagay?
Meron din itong bakanteng lote, pero hindi pa namin alam kung ano ang ilalagay namin du’n.
Once na matapos na ito, balak na sana naming lumipat ngayong Nobyembre. Favorable ba sa amin ang buwan na ito? Kung sakaling hindi, ano’ng petsa at buwan dapat kami lumipat?
Ang birthday ko ay April 20, 1974, habang September 16, 1969 naman ang mister ko.
Umaasa,
Liezel ng San Roque, Antipolo City, Rizal
Dear Liezel,
Ayon sa Chinese Astrology at sa taon ng iyong kapanganakan, nasasakupan ka ng elementong wood o kahoy, habang ang taong 1969 naman ng iyong mister ay under ng elementong earth.
Kung saan, ang prinsipyo sa Chinese or Oriental Astrology ay kailangan palaging nakabalanse.
Kaya ang pangkaraniwang tinatanong ay, “Ano’ng elemento pa ba ang kulang sa iyo?”
Kapag nalaman mo na ang elementong kulang sa iyong buhay, ‘yun ang idagdag mo para magkaroon ka ng harmony. Kapag meron nito ang isang tao, tiyak na liligaya at uunlad ang kanilang tahanan.
Sa kaso n’yo, dahil ikaw ay isang “wood-tiger,” habang ang mister mo naman ay “earth-rooster” ang kailangan n’yong elemento para makumpleto ang inyong pagsasama ay ang “water, fire o kaya’y metal”.
Kaya ang pupuwede n’yong ipandispley sa harapan ng inyong bakuran na laging natatanaw tuwing dadaan kayo ay ang mga bagay na metal. Kaya naman, maghanap ka ng dalawang metal na nakatayo o pigura ng mag-asawa na magkayakap at waring naghahalikan.
Sa ganyang paraan, unconsciously sa tuwing matatanaw n’yo ang nasabing pigura, lalong titibay ang inyong pagmamahalan.
Kung fire naman ang elementong maisip n’yo, puwede naman kayo mag-display ng isang pigura na nakatayong nilalang na walang damit at may pakpak sa paa, ‘yun bang pigura ni Mercury na may hawak na sulo. ‘Yung tipong Olympic torch na sinisindihan tuwing may Olympic games. Ang kaibahan nga lang ng pandispley na nabanggit na maaari n’yong ilagay sa inyong bakuran ay yari sa metal o bato. Sa ganyang paraan, mananatiling mainit ang inyong pagmamahalan habambuhay at magiging mabilis din ang pagdating ng dagdag-salapi at kayamanan sa inyong pamilya.
Kung ang mapipili n’yo namang elemento ay tubig. Maghanap kayo ng pigura ng dalawang batang lalaki na nakahubad, umiihi, at dapat tumatama ang ihi sa mga berdeng halaman sa harap ng inyong bahay. Sa ganyang paraan, ang maalab at maligayang pagmamahalan ay hindi mawawaglit sa bawat miyembro ng inyong pamilya.
Kung ang zodiac sign mo namang nasa pagitan ng Aries at Taurus at zodiac sign na Virgo ng mister mo ang tatanungin, kapwa kayo earth type sign. Kaya naman tama ang buwan ng Nobyembre para lumipat ng bahay, sapagkat ang Nobyembre ay nasasakop ng zodiac sign na “water” na siya ring elementong kailangan ng zodiac sign n’yo para tuluy-tuloy na umunlad at sumagana ang inyong samahan.
Gayunman, isaalang-alang n’yo rin ang petsang November 11 to 20, 2024 upang higit na makumpleto at mas maging maligaya ang inyong pamilya sa paglipat n’yo ng bahay.
Dapat bago kayo lumipat, ituon n’yo ito sa panahon ng first quarter, new moon o full moon ang buwan, upang tulad ng liwanag at sinag ng buwan, para patuloy din ang pagbuhos ng mga biyaya at pagpapala sa inyong pamilya at sa bago n’yong lilipatang bahay.
Mapalad n’yo namang kulay ang lahat ng hibo o shade ng green para sa labas at loob ng bahay, habang pula at pink naman ang masuwerteng kulay para sa inyong bubong.
Huwag n’yo ring kalilimutang ipa-blessing muna sa isang pari ang bagong bahay na inyong lilipatan, upang mapanatili ang positibong magdadala sa inyo ng suwerte at kaligayahan habambuhay.