ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 09, 2021
Dear Maestro,
Sumulat ako sa inyo dahil masyado na akong naririndi sa kaiisip sa mga nangyayari sa aking buhay. Sisimulan ko sa love life ko, karamihan sa mga nanliligaw sa akin ay may asawa na at kung ligawan man ako ng binata, niyayaya agad nila akong makipagtalik.
Bakit kaya ganu’n, eh desente at matino naman akong babae? Kaya ngayon, kapag may nagpaparamdam sa akin, hindi ko na pinapansin at parang nakatalaga na ang puso ko sa pagtandang dalaga.
Nang mag-apply naman ako sa abroad bilang beautician, nabiktima ako ng illegal recruiter, pero hindi ako tumigil, nag-apply ulit ako at natanggap naman ako. Pero para talagang buhay ng Taong Otso na sinasabi n’yo ang aking karanasan sa ibang bansa dahil grabeng pagdurusa ang inabot ko. Minaltrato kaming mga katulong at hindi pinapakain.
Nagpalipat-lipat ako ng amo dahil sa mga paghihirap at pagkagutom. Ang lahat ng ‘yan ay tiniis at sinarili ko sa kagustuhang kumita at maiahon ang buhay namin sa kahirapan.
Hanggang ngayong nakauwi ako, wala sa pamilya ko ang nakaalam sa naging buhay ko noon.
Bakit ganu’n, Maestro, simula nang magkaisip ako ay puro kahirapan na ang nakita ko sa buhay namin at hanggang ngayon ay ganu’n pa rin na halos wala na kaming makain at sinabayan pa ng pagbibisyo ng mga magulang namin? Pati nga ang ilan sa mga kapatid ko ay naligaw na rin ng landas at nalulong sa masamang bisyo.
Sa ngayon, watak-watak na kami, kaya minsan ay parang gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Maestro, sa palagay n’yo, makakaahon pa ba kami sa kahirapan?
Pakianalisa rin ng lagda ko at kung may mga negative vibration pang natitira, ano ang gagawin ko o paano ito maiiwasan? Alam ko na puwedeng baguhin ang kapalaran, pero kailan at paano ako magsisimula?
Umaasa,
Beth ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Beth,
Kung gusto mo talagang magbago ang iyong buhay at kapalaran, ang una mong dapat gawin ay baguhin ang iyong pirma. At kung hindi mo na kayang baguhin ‘yan, dahil matigas ang iyong ulo sa katwirang nakapirma ka na sa iyong mga dokumento, okey lang, sapagkat ikaw naman ang patuloy na mabibigo at luluha dahil pangit ang iyong lagda. At least, kapag hindi mo ‘yan binago at patuloy kang hindi nakaahon sa kahirapan, alam mo na ang dahilan.
Alam n’yo, ang lagda kasi ng tao ay representasyon ng kasalukuyan niyang “unconscious self” o personality. Ibig sabihin, kung binaboy o ginulo mo ang iyong lagda, sabi ni unconscious self mo, “Wala na akong pag-asa sa buhay kaya binaboy at binurara ko ang aking lagda.”
Kung simpleng lagda lang, ganito naman ang sabi ni unconscious, “Simpleng buhay, simpleng lagda, katumbas ng maunlad at maligayang pamilya.” ‘Ika nga ay dahil simple lang ang lagda, simple lang ang buhay, hindi kumplikado, kaunti lang ang mga problema.
Ngayon, pansinin mo ang iyong lagda. Sadya mo itong ikinulong sa isang malaking bilog at binaboy o binurara. Ang ibig sabihin ng ganitong lagda, hanggang ngayon ay hindi ka pa nakakaahon sa mapait na nakaraan at sa malungkot na kahapon. Kaya naman ang mapait na nakaraang ito ay tila anino o multo na humahatak sa iyo pabalik sa kabiguan.
Gusto mo bang magkaroon ng panibago at mas masayang buhay? Nang isang buhay na punumpuno ng pag-asa at bagong sinag at sigla ng araw? Kung “Oo” ang iyong tugon, anuman ang hadlang, dapat mong baguhin ang iyong pirma dahil kung hindi, mananatili ka sa kabiguan at kawalan ng pag-asa.
Kaya ang unang solusyon upang makamit mo ang tagumpay at ligaya ay baguhin ang iyong lagda. Madali lang naman ang gagawin mo, aalisin mo ang bilog sa lagda.
Magagawa mo ‘yan kung hindi mo na ibabalikwas pang pabalik patungo sa kaliwang direksiyon ang dulong bahagi ng letrang “a” o pinakapaa ng “a”, bagkus, idiretso mo na lang ang dulong bahagi nito. Sa ganyang pirma, mas suwabeng-suwabe ka nang magtatagumpay at habambuhay na liligaya.
Sa matuling salita, kapag binago mo ang iyong lagda, humigit-kumulang ganito ang magiging hitsura niyan. Simpleng “M”, simpleng “V” at ang iyong apilyedo, hindi na burara, wala nang bilog at nababasa na. Sa ganyang simpleng signature, magtatagumpay ka at habambuhay na magiging maligaya.
Hinggil naman sa birthday mong hindi ko na babanggitin pa dahil ayaw mong ipabanggit, lumalabas na ikaw ay may birth date na 8 sa destiny number na 2 sa zodiac sign na Scorpio. Ibig sabihin, bukod sa kulay na pula, mapalad ka rin sa berde. Kaya kapag minamalas ka at nakadarama ng labis na kalungkutan at kawalan ng pag-asa, salitan mong isuot ang kulay na berde at pula. Sa ganyang ritwal ng eksaktong pagsusuot ng mapalad na kulay, makakaahon ka na sa kahirapan hanggang sa tuloy-tuloy na umunlad at magtagumpay.
Kapag nasunod mo ang simpleng rekomendasyong inilahad, tiyak ang magaganap sa taong 2023.
Dahil ikaw ay Taong Otso, mala-dramatiko kang makakaahon sa kahirapan, hanggang sa tuloy-tuloy na manaig at magtagumpay sa malayong lugar.
Oo, ang mga Taong Otso ay higit na sumisikat, nagtatagumpay at yumayaman, hindi sa sinilangan nilang bayan kundi sa malayong lugar nakatakdang mangyayari at magsisimulang maganap sa taong 2023 sa edad mong 37 pataas.