luyang dilaw o turmeric.
ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 22, 2021
Dear Doc Erwin,
May ipinadalang supplement na turmeric capsules ang aking panganay na nasa Amerika. Ito raw ay mabisa sa aking arthritis na matagal ko nang iniinda. Maaari rin daw ito makatulong sa problema sa aking pag-ihi dahil sa paglaki ng aking prostate. Ako 60 years old, lolo na may apat na apo. Dahil sa arthritis ay nag-iisip na akong mag-optional retirement sa trabaho. Maaari ba ninyo akong bigyan ng impormasyon tungkol sa turmeric? At kung ito ba ay makatutulong sa arthritis at problema sa prostate? – Ramon
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc. Tungkol sa inyong unang katanungan, ang turmeric ay tinatawag sa ating bansa na ‘luyang dilaw’. Ito ay may scientific name na Curcuma longa, Curcuma domestica o Curcuma aromatica. Maraming pag-aaral ang nagpakita na ito ay naglalaman ng curcumin, kemikal na maraming health benefits.
Karaniwan itong ginagamit bilang herbal medicine para sa ubo, sipon, lagnat at sa masakit na lalamunan.
Ang nilagang luyang dilaw ay ginagamit bilang herbal remedy para mabawasan ang pagkahilo at pagsusuka. Kaya ito ay maaaring inumin bago bumiyahe upang maiwasan ang motion sickness o ang pagkahilo at pagsusuka habang bumibyahe.
Maaari rin itong makatulong sa pagtunaw ng pagkain, at pagbaba ng cholesterol level sa ating katawan.
Sa ibang bansa ay ginagamit ang curcumin capsules bilang home remedy para sa Hay Fever o allergic rhinitis, upang mabawasan ang pagbahin, sipon at pagbabara ng ilong. Ginagamit din ito upang maibsan ang sintomas ng depression sa mga taong under medication for depression.
Karaniwan na ring iniinom ang curcumin supplements para makatulong na pababain ang cholesterol at triglycerides sa dugo. Ayon sa mga pag-aaral, ang pag-inom ng turmeric o curcumin capsules ay makatutulong upang mabawasan ang pag-build up ng fat o taba sa ating atay o tinatawag na fatty liver, lalo na sa mga pasyente na may non-alcoholic fatty liver disease (NAFLD). Napapababa rin nito ang liver enzymes sa ating dugo. Ang pagkakaroon ng mataas na liver enzymes sa dugo ay maaaring mangahulugan ng liver injury o pagsisimula ng pagkakasakit sa atay.
Tungkol sa inyong pangalawang katanungan, sa iba’t ibang bansa ay ginagamit din ito upang maibsan ang sakit na nagmumula sa osteoarthritis, isang uri ng arthritis na karaniwan ng nakikita sa matatanda. Ang turmeric ay nakatutulong din na ma-improve ang functionality ng mga may arthritis. Dahil dito ay mas nagagamit ng pasyente ang kanyang mga paa sa paglalakad at mga kamay sa paghawag ng mga bagay.
Sa artikulong isinulat ni Dr. Samantha C. Shapiro, dalubhasa sa mga sakit sa buto, sa The Rheumatologist noong 19, 2018 ay inirekomenda niyang uminom ng curcumin capsules sa dose na 1,000 hanggang 2,000 milligrams araw-araw. Ang curcumin capsules ay karaniwan ng naglalaman ng 500 milligrams per capsule. Kaya’t maaaring uminom ng dalawa hanggang apat na capsules ng curcumin sa umaga. Mas makabubuti kung hahatiin ang dose na inirekomenda ni Dr. Shapiro at iinumin ito ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw pagkatapos kumain. Iwasan na uminom ng mas tataas sa 2,000 milligrams kada araw upang maiwasan ang side-effect tulad ng pagsakit ng tiyan.
Tungkol naman sa inyong katanungan sa epekto ng turmeric sa paglaki ng prostate (benign prostatic hyperplasia o BPH) ng kalalakihan dahilan ng mahirap na pag ihi. Sa preliminary na pag-aaral na inilathala sa scientific journal na BMC Complementary and Alternative Medicine noong 2015, tungkol sa epekto ng curcumin sa paglaki ng prostate sa mga hayop ay nakita na ang curcumin ay makatutulong sa pag-iwas sa paglaki ng prostate sa pamamagitan ng pag-inhibit sa epekto ng mga hormones na testosterone at dihydrotestosterone sa prostate.
Sa double blind placebo-controlled randomized trial na pag-aaral na inilathala sa scientific journal na Prostate Cancer and Prostatic Diseases noong 2014 ay binigyan ng food supplement capsule na may laman na kombinasyon ng turmeric, green tea, broccoli at pomegranate sa loob ng anim na buwan ang 199 na pasyenteng kalalakihan na may prostate cancer. Nakitaan ng pagbaba ng prostate specific antigen (PSA) ang mga pasyenteng nakatanggap ng food supplement capsule na may laman na turmeric, green tea, broccoli at pomegranate. Ang pagbaba ng PSA level sa dugo ay senyales ng hindi paglala ng cancer o pagpigil sa pagkalat nito sa katawan ng pasyente. Sinabi ng researchers sa pag-aaral na ang paggamit ng kombinasyon ng turmeric, green tea, broccoli at pomegranate ay “clinically meaningful”. Ibig sabihin, maaaring makatulong ito sa mga pasyenteng may prostate cancer.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com