ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 05, 2021
Dear Doc Erwin,
Regular akong umiinom ng Ibuprofen upang labanan ang pamamaga ng aking arthritis sa tuhod at mga kamay. Dahil sa pag-inom nito ay maayos kong nagagawa ang aking pang-araw-araw na gawain sa aming bahay. Ngunit nitong nakaraang taon ay nag-umpisang humapdi ang aking sikmura tuwing umiinom ako nito. Minabuti kong kumunsulta sa herbalist at ipinayo niyang itigil ang pag-inom nito at gumamit na lang umano ng luya (ginger). Makatutulong ba ito sa aking nararamdaman at hindi ba makakasama sa kalusugan? – Maria Clara P.
Sagot
Maraming salamat, Maria Clara sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang luya o ginger sa wikang Ingles ay matagal ng itinuturing na tradisyunal na herbal medicine sa Pilipinas.
Ang luya ay may scientific name na Zingiber officianale Roscoe. Ayon sa pag-aanalisa ng mga scientists ay may nilalaman itong gingerols, shogaols at paradol. Ang mga ito ang dahilan kung bakit mainit sa ating panlasa ang luya at ayon sa research study na inilathala sa scientific journal na Cancer Prevention Research noong April 2013, ang gingerols, shogaols at paradol ang dahilan kung bakit ang luya ay may anticarcinogenic effects o panlaban sa cancer.
Sa komprehensibong pag-aaral ng 109 randomized controlled trials na ginawa ng mga researchers sa Seoul National University sa Korea at Vietnam National University tungkol sa mga health effects ng luya na inilathala sa scientific journal na Nutrients noong January 2020 ay nakitaan ang luya ng mga significant health benefits. Ayon sa research, nakatutulong ma-relieve ang pagsusuka at pagkapagod ng mga pasyenteng sumasailalim sa chemotherapy. Nakita rin sa mga scientific studies noong 2001 at 2018 na binanggit sa nasabing research article na nakatutulong din ang luya sa pagsusuka dahil sa pagbubuntis.
Ayon sa 2004 research study ay kasing epektibo ng Vitamin B6 ang luya sa pagbawas ng pagsusuka sa first trimester ng pagbubuntis. Kasing epektibo ng mefenamic acid at ng ibuprofen ang luya sa pagbawas nito ng sakit sa mayroong dysmenorrhea, gayundin sa pagbawas ng pagsusuka sa kakabaihan na mayroong sakit na ganito.
Isang mahalagang epekto ng luya para sa mga atleta at indibidwal na mahilig mag-exercise ay makatutulong ang luya para maibalik ang muscular strength at mabawas ang muscle pain matapos ang intense exercise. Lumabas din sa mga pag-aaral na makababawas ng migraine attacks ang luya, gayundin sa pagbawas ng lakas ng menstruation ng kababaihan.
Para sa indibidwal na mataas ang blood sugar at cholesterol, nakitaan sa 2013 at 2017 trials ng pagbaba ng mga ito matapos uminom ng ginger supplements. Makatutulong din sa pagpayat at pagbawas ng ganang kumain (appetite) ng mga obese patients ang luya ayon sa mga research studies noong 2015 at 2016.
Bagama’t maraming health benefits ang pagkain ng luya o pag-inom ng ginger supplements, kinakailangang malaman natin na maaaring makaramdam ng mild side effects mula sa luya, tulad ng heartburn, pagtatae, malimit na pagdighay at discomfort sa ating sikmura.
Sa mga nagbubuntis, maaaring gamitin ang luya upang mabawasan ang pagsusuka (morning sickness) sa first trimester ng pagbubuntis. Sa kasalukuyan, wala pang nakitang masamang epekto sa baby ang luya. Kinakailangang magkonsulta sa inyong doktor bago uminom ng ginger supplements upang malaman kung ito ay mas makabubuti sa inyo at sa inyong baby at hindi makakasama.
Dapat mag-ingat ang mga indibidwal na may maintenance medications. Ang luya ay maaaring lalong makapagpababa ng blood pressure sa mga indibidwal na umiinom ng mga gamot na nagpapababa ng blood pressure o anti-hypertensives, tulad ng nifedipine, verapamil, diltiazem, felodipine at amlodipine.
Nagpapagal din ng pamumuo o pag-clot ng ating dugo ang luya kaya kinakailangang sumangguni muna sa inyong doktor kung kayo ay umiinom ng mga gamot na nagpapabagal ng pamumuo ng dugo o anticoagulants tulad ng aspirin, clopidogrel, diclofenac, ibuprofen, warfarin at heparin.
Dahil nagpapababa ng blood sugar ang luya ay pinag-iingat din ang mga umiinom ng mga anti-diabetic medications tulad ng glipizide, glyburide at pioglutazone. Gayundin, kung gumagamit ng insulin.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com