top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | March 26, 2022



Iniimbestigahan ngayon ang pagkasawi ng isang 13-anyos na binata sa Lucena City, Quezon matapos umano itong maubusan ng dugo makalipas na tuliin sa isinagawang medical mission ng isang fraternity.


Ayon sa lolo ng bata, nagpagtuli ang kaniyang apo sa medical mission na isinagawa ng Scout Royal Brotherhood Fraternity sa Zaballero, Lucena City noong Marso 19.


Isinugod daw sa ospital ang bata noong Marso 21 dahil walang tigil sa pagdurugo ang tuli ngunit binawian din ito ng buhay kinabukasan.


Nakasaad sa death certificate ng bata na ang sanhi ng pagkamatay nito ay dahil sa pagkaubos ng dugo.


Nakipag-ugnayan naman ang pamilya ng biktima sa mga awtoridad upang manghingi ng tulong para makamit ang hustisya sa sinapit ng bata.


Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng pahayag ang fraternity na nagsagawa ng medical mission at ang doktor na nagsagawa ng pagtutuli.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | February 2, 2022



Inirereklamo ang malabundok na taas ng nakatambak na hazardous hospital waste na nasa compound ng Quezon Medical Center sa Lucena City.


Sa sobrang dami raw ng basurang naipon ay hindi na kinaya ng storage facility ng ospital kung kaya’t umapaw ito at kumakatas na.


Dahil dito ay naaamoy na ng mga residente malapit dito ang sangsang nito lalo na kapag umuulan.


Ayon sa pamunuan ng ospital na pinapatakbo ng provincial government ng Quezon, nagkaroon sila ng problema sa pagdami ng basura mula noong huling bahagi ng 2021.


Nasa 200 kilos kada araw lamang ang kayang iproseso ng kanilang treater na integrated sterilizer and shredder machine ngunit dumoble umano ang volume ng mga hazardous waste na naiipon ng ospital.


Dagdag pa umano ang problema sa pangongolekta ng kanilang contractor matapos magkaproblema sa budget ang provincial government.


Mapapabilis sana ang pagproseso ng mga hazardous waste pero hindi pa magamit ang makina na dumating sa ospital.


Tiniyak naman ng pamunuan ng ospital na gumagawa sila ng paraan para mawala ang mga basura.

 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2020




Nakatakdang isailalim sa 14-day lockdown ang OB-Gyne department ng Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City, simula sa Lunes, August 31 hanggang September 14.


Sa memorandum na ipinalabas ng chief OB-Gyne section ng QMC na si Dr. Belen T. Garana, tumaas ang bilang ng mga kaso ng nagpositibong buntis sa coronavirus o COVID-19 ng ospital nitong nakalipas na dalawang linggo kaya ipapatupad ang total lockdown.

Gayunman, marami sa mga ito ay asymptomatic at inilagay na sa non-COVID section ng ospital.


Gayundin, dalawa sa mga doktor ng OB-Gyne department ang nagpositibo sa test sa COVID-19 at tatlong doktor ang na-expose o naging closed contact ng mga ito, na nakatalaga sa OB emergency room at delivery room. Naka-quarantine na ang mga na-expose sa virus.


Samantala, isasara ang OB Emergency Room at magsasagawa rin ng disinfection. Patuloy naman ang operasyon sa OB Ward at testing para sa COVID-19, kung saan magpapatupad lamang ng skeletal force na magseserbisyo sa delivery room ng ospital.


Nakapagtala ng 223 kumpirmadong kaso ng coronavirus ang Lucena. Sa buong probinsiya ng Quezon, mayroong 1,005 cases, umabot sa 389 ang gumaling at 34 ang namatay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page