ni Lolet Abania | February 5, 2021
Pinanindigan ng pamahalaan ang itinakdang polisiya na kailangang nakasuot ng face mask ang lahat ng nasa loob ng sasakyan kahit pa magkasama sa bahay o hindi ang nakasakay dito.
Sa isang joint statement, ayon sa Department of Transportation (DOTr) at sa Department of Health (DOH), dapat na sundin at ipatupad ang sumusunod na guidelines sa pagsusuot ng face mask sa loob ng sasakyan:
Kung mag-isa lamang bumibiyahe, maaaring tanggalin ng driver ang kanyang face mask.
Kung ang driver ay may kasamang pasahero o mga pasahero, mandatory na lahat ng indibidwal na nasa loob ng sasakyan ay maayos na nakasuot ng face mask, kahit pa magkasama sa isang bahay ang nakasakay dito.
Ang polisiya ay alinsunod sa naging desisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa isang Viber message naman ni DOTr Assistant Secretary Goddess Libiran, sinabi nitong ang mga policy-makers ang siyang magpapaliwanag kung paano maayos na ipatutupad ang policy at kung ano ang mga fines and penalties na ipapatupad sa mga pasaway.
Nakapaloob sa joint statement ng DOH-DOTr na ang hakbang ay nabuo sa koordinasyon at pagtutulungan sa pagitan ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agency Council for Traffic (IACT), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), iba pang law enforcement agencies, at local government traffic offices/units, na ayon pa sa statement, “Concerning the proper implementation of the Resolution, and the imposition of appropriate fines and penalties for violations thereof, in accordance with existing laws, rules and regulations.”