ni Mylene Alfonso | May 15, 2023
Patuloy na dumarami ang reklamong natatanggap ng motorcycle taxi na Angkas dahil sa umano'y overcharging ng mga rider sa mga commuter na naghahabol ng oras sa kanilang mga pupuntahan.
Nabatid na hindi na nasusunod ang fare matrix na ipinalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang guidelines para sa pagbibigay ng tamang pasahe sa mga nagnanais na sumakay sa motorcycle taxi.
Nakapaloob sa fare matrix na ipinalabas noong Enero 27, 2020 ng LTFRB na sa Metro Manila, P50 para sa unang 2km; P10 hanggang 7km; P15 sa mga susunod pang kilometro habang sa Metro Cebu/ Cagayan De Oro, P20 sa unang 2km; P16 hanggang 8km at P20 sa mga susunod pang kilometro.
Ayon sa mga reklamo ng commuter na ibinahagi sa social media, ang mistulang naging kolorum at habal-habal ang mga motorcycle taxi na binigyan ng prangkisa dahil sumusunod sa guidelines ng LTFRB.
Partikular na reklamong tinukoy ang hindi na paggamit ng apps kung saan, kinokontrata na lamang ng mga rider ang kanilang pasahero lalo na sa gabi na kung saan ay 5 hanggang 10 beses ang taas ng singil.
“Grabe ang modus ng mga Angka at Joyrider drivers. Mag-aabang sila sa mga exit ng mall/establishment. Nakabukas 'yung app nila kaya nakikita nila kung sino nagbu-book pero hindi nila ina-accept. Instead, lalapit sila as habal tapos aalukin nila ng mas mahal na pamasahe kaysa sa app,” isa lang ito sa reklamong ipinost sa social media.
Gayundin, nanawagan sa social media ang Angkas, Habal, Joyride riders and passengers group na kung saan ay humihingi sila ng proteksiyon sa pamunuan ng motorcycle taxi na i-orient ang ibang riders na maging marespeto dahil sa hindi na nasusunod ang fare matrix ng LTFRB kung kaya’t hindi na nila alam kung ano ang latest Angkas rate.