ni Madel Moratillo | June 8, 2023
Hindi umano puwedeng manghuli, mag-impound at mag-dispose ng kolorum na sasakyan ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Ito ang nakasaad sa legal na opinyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kung saan nakasaad na ang maaari lamang gawin ng LTFRB ay makipag-ugnayan sa ibang ahensya ng pamahalaan para sa paghuli ng mga kolorum na sasakyan.
Ang legal opinion ay inilabas ng Department of Justice (DOJ) matapos humingi ng paglilinaw si noo’y Transportation Sec. Arthur Tugade hinggil sa kung sakop ba ng hurisdiksyon ng LTFRB ang paghuli ng mga kolorum na sasakyan.
Puwede lang umanong manghuli ang LTFRB ng kolorum kung binigyan siya ng kapangyarihan ng Land Transportation Office (LTO) o ng Philippine National Police (PNP).
Batay aniya sa nakasaad sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code na inamyendahan ng RA 6975, o Department of the Interior and Local Government Act of 1990, tanging ang LTO at PNP lamang ang maaaring magsagawa ng enforcement pagdating sa mga traffic rules at hindi kasama ang LTFRB.
Hindi rin umano puwedeng gamitin ng LTFRB ang kanilang Joint Administrative Order para magkaroon enforcement power maliban na lamang kung may nakasaad sa batas.