ni Mai Ancheta @News | October 1, 2023
Nganga pa rin ang mga tricycle driver at delivery rider sa fuel subsidy na pinondohan ng gobyerno para mapagaan kahit paano ang budget mula sa epekto ng mataas na presyo ng gasolina at diesel.
Ayon sa ilang tricycle drivers na miyembro ng Tricycle Operators and Drivers' Association (TODA), hanggang ngayon ay wala pang ibinibigay sa kanila na fuel subsidy matapos kunin ng lokal na pamahalaan ang kanilang aplikasyon, at wala rin silang natanggap na fleet card.
Maging ang delivery riders na nag-apply ng fuel subsidy ay wala pa ring natatanggap na tulong mula sa gobyerno sa kabila ng pahayag ng Land Transpotation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kasama ang mga tricycle drivers at riders sa mga mabibigyan ng fuel subsidy.
Tinatayang 900,000 triycle drivers at 150,000 delivery riders ang naghihintay na mabiyayaan ng fuel subsidy.
Ayon sa LTFRB, wala pang ibibinigay na listahan ng benepisyaryo sa kanila ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industy (DTI) na siyang nakatoka sa mga tricycle driver at delivery rider.