top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 5, 2020




Umabot sa P802 milyong halaga ng ayuda ang ipinamahagi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga public utility vehicle (PUV) operators na lubos na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.


Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, may kabuuang P802,860,500 ayuda ang ipinamahagi sa 123,517 PUV units.


Sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2, naglaan ng P1.158 bilyong halaga ng ayuda para sa mga operator ng PUV na nawalan ng mapagkakakitaan sa panahon pandemya.


"Tuluy-tuloy lang po ang pamimigay ng subsidiya sa mga PUV operators na lubhang apektado ang kabuhayan ng kasalukuyang pandemya. Patunay po ito sa nais ng pamahalaan na sila ay tulungang makabangon. Hindi po sila pababayaan habang dumaranas tayong lahat ng pandemya," dagdag ni Delgra.


Samantala, makukuha naman ng 17,612 PUV units ang kanilang ayuda sa mga susunod na araw. Ito ay parte ng P917,338,500 “obligated” fund para sa mga PUV operators.


Sa ilalim ng Direct Subsidy Program, ang bawat operator ay makatatanggap ng P6,500 per PUV unit sa ilalim ng kanilang franchise.


Ngayong Disyembre, nasa P724 milyong halaga ng ayuda na ang naipamahagi para sa 110,000 operators.

 
 

ni Lolet Abania | November 17, 2020




Nakatakdang buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang ruta ng mga traditional jeepneys sa Metro Manila para sa dumaraming commuters kasabay ng pagsigla ng ekonomiya ng bansa.


Sa Memorandum Circular 2020-073 na inisyu noong November 16, inaprubahan ng LTFRB ang pagbubukas ng walong ruta sa National Capital Region para sa 1,043 units ng traditional public utility jeepneys (PUJs) na magsisimula bukas, November 18.


Umabot na sa kabuuang bilang na 386 ang mga binuksang ruta ng LTFRB para sa 35,022 units ng traditional PUJ sa Metro Manila simula nang ito ay isinailalim sa general community quarantine noong June 1.


Ang mga bubuksang ruta ng traditional PUJ ay ang mga sumusunod:

  • T181 Evergreen Subdivision - Bagong Silang/Evergreen Subdivision – Philcoa

  • T3189 MCU - Recto via F. Huetias, Oroquieta

  • T3190 Pier South - Project 6 via España

  • T3191 Pier South – Project 8 via Quezon Ave.

  • T3192 Project 6 – T.M. Kalaw via Quezon Ave.

  • T3193 Project6-Vito Cruz via Quezon Ave.

  • T3194 Project 8 – Quiapo via Roosevelt Ave.

  • T3195 Project 8 – T.M. Kalaw via Quezon Ave.


“Maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC,” ayon sa LTFRB.


“Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Mada-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB,” paliwanag ng LTFRB.


Gayunman, ayon sa ahensiya, wala silang inaprubahan para sa dagdag na pamasahe sa traditional jeepneys.


Bukod sa traditional jeepneys, binuksan na rin ng LTFRB ang 48 modern jeepney routes para sa 865 units, may 34 na ruta para sa 390 units ng point-to-point bus habang may 4,499 units ng public utility buses (PUB).


Pinayagan na rin ng ahensiya na magbukas ang 118 UV Express routes para sa 6,755 units. Mayroon ding mga authorized 21,436 taxis at 25,068 transport network vehicles services.


Tinatayang nasa 27 provincial bus routes na ang nabuksan para sa 680 units at dalawang ruta para sa Modern UV Express sa 40 units nito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page