ni Lolet Abania | December 9, 2021
Magpapatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong guidelines para sa kapasidad ng mga pasahero sa mga public utility vehicles (PUVs) simula Huwebes, Disyembre 9, 2021, hanggang Enero 4, 2022.
Sa isang statement ng LTFRB, batay sa kanilang Memorandum Circular No. 2021-076 na inilabas nitong Lunes, papayagan na ang 70% passenger capacity sa National Capital Region – na parehong kapasidad sa ilalim ng Alert Level 2.
Parehong kapasidad din ng mga pasahero ang papayagan sa mga probinsiya sa ilalim ng Metro Manila Urban Transportation Integration Study Update and Capacity Enhancement Project, gaya ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Para naman sa ibang rehiyon, papayagan ang 50% passenger capacity para sa PUVs, pero ayon sa LTFRB maaari silang magdagdag ng kanilang passenger load hanggang 70%, kung umabot na sila sa 30% vaccination rate ngayong Disyembre.
Gayunman, ang mga rehiyon na pinapayagan na sa 70% passenger capacity, subalit hindi pa nakukumpirma ang pagkakaroon nila ng 30% vaccination rate, kailangang magsumite ang kanilang Regional Franchising and Regulatory Board ng isang memorandum sa board na may certification ng vaccination rate mula sa Regional IATF o Department of Health Regional Office.
Nagtakda na rin ng panuntunan ang LTFRB para sa passenger capacity naman sa mga inter-regional routes.
Kailangan namang iobserba ng mga PUVs na patungong Metro Manila ang pinapayagang kapasidad ng mga pasahero mula sa lugar na kanilang pinagmulan. Para naman sa mga nanggaling sa NCR, kailangan nilang sumunod sa kapasidad sa lugar ng endpoint ng biyahe.
Para sa inter-regional routes na hindi tatawid sa Metro Manila, ang mga PUVs ay kailangang sundin ang pinakamababang passenger capacity ng partikular na rehiyon.
Paalala pa ng LTFRB na dapat sumunod sa minimum health safety protocols sa mga PUVs, gaya ng pagsusuot ng face mask, bawal ang pagsasalita o pakikipag-usap sa telepono at pagkain, gayundin, dapat na may maayos na bentilasyon, regular din ang disinfection, laging may physical distancing at hindi pagtanggap sa mga pasaherong may sintomas ng COVID-19.
Babala naman ng ahensiya sa mga PUV operators sa posibleng sanctions tulad ng pagmumulta at revocation ng lisensiya, sakaling mabigo silang sumunod sa mga ipatutupad na guidelines.