ni Lolet Abania | February 26, 2022
Pinag-aaralan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inihihirit na taas-pasahe sa mga jeepneys habang patuloy din ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Una nang sinabi ni Political Science and International Relations (PSIR) Professor Anna Malindog-Uy na ang presyo ng gasoline ay walong sunud-sunod na linggo nang tumataas, at asahan pa aniyang tataas habang ang Russia ay nahaharap sa economic sanctions.
“Patuloy nating inaaral, may petition na natanggap natin . . . At ito ay naka-set for hearing ngayong March 8,” ani LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion sa isang televised briefing sa PTV ngayong Sabado.
Umapela na ang mga jeepney drivers at operators sa mga awtoridad na gawin ang minimum fare sa P10 dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gas.
Sinabi naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo na ang ginawang invasion ng Russia sa Ukraine ay posibleng magdulot ng pagtataas ng oil prices.
Subalit ayon kay Castelo, maaaring ipantapat dito ang TRAIN Law mechanism na posibleng magsuspinde sa mga excise taxes kung ang fuel ay lumampas sa $80.
Base sa TRAIN Law, ang pagpapaliban ng mga excise taxes ay makababawas ng P6 sa presyo ng diesel at P10 bawas naman sa gasoline.
“Ang government naman, ready na harapin kung sakaling tataas pa para ma-cushion din ang effect nito sa ordinaryong tao tulad natin,” sabi pa ni Castelo.