ni Lolet Abania | April 4, 2022
Sinuspinde pansamantala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang alokasyon ng fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers at operators dahil ito sa election public spending ban.
Sa isang interview ngayong Lunes, sinabi ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion na tinatayang 110,200 ng kanilang PUV beneficiaries ang nakatanggap na ng subsidies hanggang nitong Marso 29.
Ayon kay Cassion, mayroon namang tinatayang 22,000 taxi at UV Express na mga benepisyaryo ang sumasailalim sa document validification, habang ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nakatakdang magbigay ng subsidy sa tinatayang 27,000 delivery services.
Para sa mga tricycle drivers, sinabi ng LTFRB na hinihintay pa nila ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Subalit, ang disbursement o pagbibigay ng fuel subsidy para sa mga PUV drivers at operators ay pansamantalang itinigil dahil sa election public spending ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) mula Marso 25 hanggang Mayo 8, 2022.
Sa ilalim ng Comelec’s Resolution No. 10747, kailangan ng isang certificate of exemption para maisagawa ang mga aktibidad at mga programa kaugnay sa social welfare projects at mga serbisyo sa gitna ng naturang ban.
“Before the ban, nagkaroon tayo ng application sa Comelec for exemption at nagkaro’n na po tayo ng hearing. Right now, we are just waiting for the result of our application for exemption sa ban so we can continue distribution,” paliwanag ni Cassion.
Gayunman, habang naghihintay sa desisyon ng Comelec, ayon kay Cassion, ipagpapatuloy nila ang produksyon ng ilang 86,000 Pantawid Pasada Program (PPP) cards para sa ibang mga benepisyaryo.
Una nang sinimulan ng LTFRB nitong Marso ang distribusyon ng P6,500 fuel subsidies sa mahigit 377,000 kuwalipikadong PUV drivers at operators upang makatulong na maibsan ang kanilang kalagayan sanhi ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng langis na dulot ng nagaganap na sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ang mga subsidy ay kanilang makukuha sa pamamagitan ng cash cards na inisyu ng Landbank of the Philippines na maaari naman nilang gamitin sa mga accredited fuel stations.