ni Lolet Abania | June 11, 2022
Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang pamamahagi ng second tranche ng P5-billion fuel subsidy program para sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators ay nakatakda sa huling linggo ng Hunyo o unang bahagi ng Hulyo.
Sa isang interview ngayong Sabado, sinabi ni LTFRB Executive Director Tina Cassion na inihahanda na ng ahensiya ang mga dokumento para sa distribusyon ng isa pang P6,500 fuel subsidy sa bawat benepisyaryo ng PUV sector.
Ayon kay Cassion, hanggang nitong nakaraang linggo mas mababa sa 5,000 lamang mula sa 377,000 benepisyaryo ang nakatanggap pa lang ng unang tranche ng fuel subsidy.
“[By] last week of June or early July [we’ll] implement the second tranche,” ani Cassion, kung saan aniya, ang mga benepisyaryo ng ikalawang tranche ay pareho sa mga nakatanggap na ng unang tranche.
Samantala, naglabas na rin ang LTFRB ng listahan ng mga benepisyaryong may credited fuel subsidy.
Mula sa hinating bahagi sa dalawang magkatumbas na tranches, ang P5-B fuel subsidy program ng gobyerno ay layong mag-extend ng P6,500 cash grants sa bawat 377,000 benepisyaryo, kabilang dito ang mga LTFRB-supervised PUV drivers at operators, tricycle drivers at operators sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), at delivery riders sa ilalim naman ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa LTFRB, ang fuel subsidy program ay nagsisilbi bilang isang stopgap measure na kanilang tugon sa hinihinging dagdag sa minimum na pamasahe sa gitna ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Gayunman ani Cassion, nagpasya ang LTFRB na i-review ang nauna nilang desisyon na i-reject ang mga petisyon na P1 provisional minimum jeepney fare hike sa gitna ng walang humpay na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Nito lamang linggo, inaprubahan ng ahensiya ang P1 provisional increase sa minimum na pamasahe sa mga jeepney sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.