ni Lolet Abania | March 7, 2022
Libre ang sakay para sa mga pasaherong babae ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) habang may special treats sa kanila bukas, Marso 8, kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day.
Ang free ride ay magagamit ng mga female passengers sa peak hours, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa anumang LRT-2 station.
Magsasagawa rin ang Department of Transportation (DOTr) at Light Rail Transit Authority (LRTA) katuwang din ang Philippine Red Cross-Marikina at Manila chapters ng blood typing test, blood pressure checking, at random blood sugar test sa Recto at Araneta Center-Cubao stations mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
“These activities aim to honor and recognize the indispensable role of women in our society as well as reaffirm DOTR and LRTA’s commitment to gender equality and women empowerment,” sabi ni LRTA administrator Jeremy Regino.
Sinisiguro ng LRTA, sa pamamagitan ng Gender and Development Committee (GAD) nito, na may probisyon ng gender-responsive rail services para sa lahat ng mga mananakay sa pamamagitan ng kanilang mga proyekto, programa at mga serbisyo gaya ng pagsasagawa ng iba’t ibang pagsasanay na layong madagdagan ang kamalayan ng mga empleyadong babae sa kanilang mga karapatan at mabatid ang kanilang potensiyal bilang isang active agent ng societal change.
Ang 2022 National Women’s Month Celebration, na may temang “We Make Change Work for Women,” ay layong maipakita ang mga nakakamit at napagtagumpayan ng mga babae, at suriin ang mga ginagawang aksyon tungo sa gender equality, habang patuloy na isinusulong ang mga gawain para sa tinatawag na women empowerment.