top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | August 3, 2023




Nagbigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga may kapansanan sa paningin simula Agosto 1-6, 2023.


Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, ang hakbang ay bilang pagkilala sa selebrasyon ng White Cane Safety Day.


Sinabi ng opisyal na isinaalang-alang nila ang kapakanan at karapatan ng mga visually impaired na mga pasahero upang masiguro ang komportableng serbisyo sa mga ito.


Kailangan lamang magpakita ng valid PWD ID sa security personnel ng mga istasyon ng MRT-3 at LRT-2 para sa libreng sakay, at libre rin ang isang kasama nito.



 
 

ni Mai Ancheta | June 24, 2023




Libre sa pamasahe ang lahat ng seaman sa Light Rail Transit 2 at Metro Rail Transit 3 sa June 25, 2023 bilang pagkilala sa Day of the Filipino Seafarers.


Batay sa anunsiyo ng Light Rail Transit Authority, may libreng sakay ang LRT 2 mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga, at alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.


Ang libreng sakay naman sa MRT 3 ay mula alas-5:30 ng madaling-araw hanggang sa last trip sa ng gabi. Hanggang alas-9:30 ng gabi ang operasyon ng North Avenue station ng MRT 3 habang ang operasyon ng Taft Avenue ay hanggang alas-10 ng gabi.


Ang Day of the Filipino Seafarer ay taunang ipinagdiriwang ng bansa bilang pagkilala sa mga masisipag at masigasig na Pinoy seamen at sa kontribusyon ng mga ito sa maritime industry.


Kinikilala rin ang mga Filipino seafarer dahil sa malaking kontribusyon sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang dollar remittances.


 
 

ni Mai Ancheta | June 20, 2023



Tataas ang pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) 1 at 2, simula sa Agosto 2.

Ito ang inianunsyo ng Department of Transportation (DOTr) kahapon na layuning mapahusay pa ang serbisyo, pasilidad at kakayahang teknikal ng dalawang linya ng train.


Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, inaprubahan ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang pagtaas sa pasahe matapos ang pakikipagpulong nito sa Malacañang noong nakalipas na linggo.


Matatandaang pinigil ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Abril ang fare hike sa LRT 1 at 2 upang mabawasan ang epekto ng inflation sa mga commuter.

Pero ngayong gumaganda na umano ang sitwasyon sa bansa at bumaba na nang bahagya ang inflation ay kailangang ilarga na ang taas-pasahe.


Ang mininum na boarding fee ng dalawang rail network ay tataas ng P13.29 mula sa dating P11, at P1.21 dagdag sa bawat kilometrong biyahe mula sa dating piso kada kilometro.


Huling nagtaas ng pasahe sa LRT 2 noong 2015, habang nakabinbin naman ang mga petisyong inihain ng LRT 1 noong 2016, 2018, 2020 at 2022.


Ang LRT 1 ay mula Muñoz station sa Quezon City hanggang sa Baclaran station sa Pasay City, habang ang LRT 2 ay mula Recto, Lungsod ng Maynila hanggang sa Antipolo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page