ni Lolet Abania | June 10, 2022
May libreng sakay para sa mga commuters na ipapatupad ang Light Rail Transit Lines 1 (LRT1) at LRT2 sa Hunyo 12, kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa ika-124 Araw ng Kalayaan.
Sa isang statement ngayong Biyernes, ayon sa Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang private operator ng LRT1, ang mga pasahero ng railway line ay mabibigyan ng free rides sa Hunyo 12, mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Ayon sa LRMC, ang mga beep card holders ay kailangang dumaan sa karaniwang Automated Fare Collection System (AFCS) gates at i-tap lamang ang kanilang cards upang ma-avail ang libreng sakay at wala itong charge, habang ang mga pasahero na walang beep cards ay maaaring kumuha nang libre ng single journey tickets mula sa LRT1 teller booths.
Sinabi rin ng kumpanya na ang LRT 1 ay magpapatuloy sa kanilang normal operating hours sa Araw ng Kalayaan, kung saan ang first trips na parehong aalis mula sa Baclaran at Balintawak stations ay alas-4:30 ng madaling-araw habang ang last trips naman ay alas-9:15 ng gabi sa Baclaran Station at alas-9:30 ng gabi sa Balintawak Station.
Inanunsiyo rin ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ang free rides ay ipapatupad sa LRT2 mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
Patuloy naman ang MRT3 na nagpapatupad ng free rides para sa buong buwan ng Hunyo upang makabawas sa pinansiyal na pasanin ng mga commuters sa gitna ng nararanasang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.