ni Mary Gutierrez Almirañez | March 11, 2021
Nanawagan ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik ang Negative COVID-19 test result requirement sa mga indibidwal na papasok sa bawat probinsiya, ayon sa panayam kay LPP President Marinduque Governor Presbitero Velasco kaninang umaga, Marso 11.
Aniya, "Ang hinihiling po namin, para mayroon naman po kaming paraan para malaman po kung positive 'yung papasok. Upon arrival du'n sa port of entry na i-allow po ang LGU na mag-prescribe ng PCR test, saliva test or antigen test…
"Marami pong asymptomatic. Kung gagamitin po ang pine-prescribe ng Resolution 101 na clinical exposure assessment, hindi po makikita roon kung positibo ang papasok dahil marami rin po ang asymptomatic na carrier.”
Nilinaw niyang sa ilalim ng Resolution 101 ay PRC test lamang ang inaprubahan ng IATF na puwedeng gamitin.
Ang test ay gagawin umano sa labas ng probinsiya saka dadalhin sa point of entry, ngunit iyon ay depende kung ire-require ng LGU.
Dagdag pa niya, “Very vulnerable po ‘yung mga probinsiya at mga lungsod dahil tinanggal na po ‘yung travel authority, tinanggal po ‘yung medical certificate, wala na pong quarantine kung asymptomatic.”
Bunsod ng pagiging maluwag sa mga probinsiya ay nagdulot iyon aniya ng mataas na bilang ng COVID-19 sa ilang lugar na noo’y COVID-free na.
Sa ngayon ay isinumite na ng LPP sa IATF ang rekomendasyong gawing discretionary ang COVID test sa point of entry.