ni Thea Janica Teh | January 13, 2021
Isang low pressure area (LPA) ang magdadala ng malakas na pag-ulan ngayong Miyerkules sa Visayas at southern Mindanao, ayon sa PAGASA.
Huling namataan ang LPA sa 210 kilometers south ng Zamboanga City, Zamboanga del Sur. Ayon kay PAGASA weather forecaster Benison Estareja, maliit ang posibilidad na maging bagyo ang binabantayang LPA.
Ngunit, pinaalalahanan pa rin ng PAGASA ang mga naninirahan sa Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Sorsogon at Masbate na maaaring magkaroon ng flash flood at landslide dahil sa malakas na pag-ulan.
Dagdag pa ni Estareja, makararanas din ng localized thunderstorm ang Davao Region at Soccskargen na magtatagal ng 1 hanggang 2 oras. Bukod pa rito, ang Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng mahinang pag-ulan dahil naman sa hanging amihan.
Samantala, nakapagtala ng temperaturang 20.7 degrees Celsius kaninang 5:00 am ang National Capital Region at ang Baguio City naman ay nakapagtala ng 12.2 degrees Celsius kaninang 2:00 am.