ni Mai Ancheta | June 5, 2023
Matapos mag-exit ang Bagyong Betty, may nakaamba na namang dalawang namumuong bagyo sa labas ng Pilipinas.
Ayon sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang namumuong low pressure area sa labas ng Pilipinas ay maaaring magpalakas sa habagat na nararanasan sa bansa.
Posibleng magpatuloy ang nararanasang habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon hanggang sa Biyernes dahil sa dalawang LPA.
Ang unang namataang LPA ay sa bahagi ng Visayas na maaaring mabuo bilang tropical cyclone sa kalagitnaan ng susunod na linggo.
Pero sinabi ng PAGASA na hindi ito inaasahang mag-landfall kapag nakapasok sa bansa.
Ang ikalawang LPA ay namataan naman sa West Philippine Sea na inaasahang tatahak sa Southern China sa kalagitnaan ng susunod na linggo.
Makararanas ang Metro Manila ng mainit na temperatura sa umaga hanggang hapon at mga pagkulog sa hapon hanggang gabi mula Lunes hanggang Biyernes at inaasahang mga pag-ulan sa weekend.
Makararanas din ng mga pag-ulan ang Palawan sa buong linggo dahil sa epekto ng habagat, at ang ibang bahagi ng bansa ay makararanas ng malalakas na pagkulog sa hapon hanggang gabi sa Lunes at Martes.