ni Lolet Abania | June 26, 2022
Isang low pressure area (LPA) ang namataan na magdudulot ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa buong Visayas, Bicol region, Calabarzon, Mimaropa, Isabela, at Aurora, ayon sa PAGASA ngayong Linggo.
Batay sa 4PM weather bulletin ng PAGASA, namataan ang LPA sa layong 70 kilometro east southeast ng Surigao City, Surigao del Norte ng alas-3:00 ng hapon ngayong Linggo.
Nagbabala naman ang PAGASA sa posibleng flash floods o landslides dahil sa mararanasang katamtaman at paminsan-minsang pagbuhos ng malakas na ulan sa mga lugar na apektado ng LPA.
Ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rain showers o thunderstorms.
Pinapayuhan ang mga residente lalo na sa mga apektadong lugar sa posibleng flash floods o landslides na mararanasan sa severe thunderstorms.
Ayon pa sa PAGASA, “The whole archipelago will experience light to moderate wind speeds, while coastal water conditions will be slight to moderate, with waves ranging from 0.6 to 2.1 meters high.”