ni Lolet Abania | March 27, 2022
Isang low pressure area (LPA) ang namumuo kasabay ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), kung saan magdudulot ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pagbuhos ng ulan at thunderstorms sa buong Palawan, Eastern at Central Visayas, at Mindanao, batay sa ulat ng PAGASA ngayong Linggo.
Sa kanilang 4PM weather bulletin, ayon sa PAGASA ang LPA ay namataan sa layong 60 km east-northeast ng Davao City.
Gayunman, sinabi ng PAGASA, ang tsansa ng LPA na maging isang tropical depression ay napakababa. Makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may isolated rain showers at thunderstorms sa buong Metro Manila at sa natitirang bahagi ng bansa.
Batay din sa weather bureau, posibleng magkaroon ng mga flash floods o landslides sa severe thunderstorms. Mahina hanggang sa katamtamang bugso ng hangin mula timog-silangan patungong hilagang-silangan ang mararanasan sa buong northern Luzon, na magdudulot ng bahagya hanggang sa moderate coastal waters.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang east-to-northeast wind flow, na magdudulot ng mahina hanggang sa moderate coastal waters. Ayon pa sa PAGASA, ang maximum temperature ay nasa 33.4 °C nitong alas-3:00 ng hapon at ang minimum temperature ay nasa 25.2 °C ng alas-5:15 ng hapon.