ni Lolet Abania | November 23, 2020
Iniutos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Lunes ang pagpapahinto ng trabaho sa Skyway extension project upang magbigay-daan sa gagawing imbestigasyon sa nangyaring aksidente noong Sabado na ikinamatay ng isa, habang apat ang sugatan at ikinasira ng anim na sasakyan dahil sa bumagsak na steel girder.
Ayon kay DOLE Spokesman Rolly Francia, nakasaad sa inilabas na order ng DOLE-National Capital Region ang pagpapatigil sa konstruksiyon ng buong proyekto, mula sa Susana Heights sa Muntinlupa City hanggang sa Sucat sa Parañaque.
“Ang pagpapahinto po ng construction ay ipinag-utos upang mabigyang-daan ang imbestigasyon upang malaman kung may mga violation na nagawa o na-commit sa construction site at upang alamin din ano ang hawak na lisensiya ng mga contractors at subcontractors at kung may paglabag sa labor and safety standards,” sabi ni Francia.
Inisyu ang order para sa contractor na EEI Corp. at kanilang subcontractors, kung saan inisyal lamang na sinagot nito ang gastos ng aksidente sa site na nasa Muntinlupa City.
“Both the northbound and southbound leading to Susana Heights kaya 'yun ‘yung hinihintay nating bagong order this afternoon,” sabi ni Francia.
Sinabi pa ni Francia na mananatili ang suspensiyon hanggang sa bawiin na ito ng regional office at matapos ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, ang extension project ay inisyal na makukumpleto sa December ngayong taon, kung saan nagdagdag ng dalawang northbound lanes at tatlong southbound lanes na target sanang matapos ang proyekto sa February 2021, subali’t ipinatigil dahil sa naganap na aksidente.
Magkakaroon ito ng direct connection sa Skyway 1, 2, at 3, at magagamit ng mga motorista mula sa south patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Makati, Manila, San Juan, Quezon City at sa North Luzon Expressway (NLEx) na hindi na dadaan pa sa Alabang at EDSA.