ni Lolet Abania | December 24, 2020
Isang siklista ang nasalpok ng bus sa kabubukas lamang na U-turn slot sa EDSA, malapit sa Quezon City Academy ngayong Huwebes.
Pansamantala munang isinara ang nasabing U-turn slot dahil sa aksidente.
"Na-cut po 'yung bus dahil sa may nag-u-turn, biglang lumusot 'yung nagbibisikleta... Hindi napansin ng bus. Lumusot po doon sa area na hindi puwedeng mag-u-turn, nasaktan po siya," ani Quezon City traffic chief Lester Cardenas.
Ayon kay Cardenas, agad na isinugod sa ospital ang siklista na hindi naman malubhang nasaktan. Hindi na nagbigay pa ng detalye ang opisyal tungkol sa insidente.
Pasado alas-10:35 ng umaga kanina, muling binuksan ang u-turn slot para sa mga motoristang bumibiyahe sa EDSA.
Maraming u-turn slots ang isinara dahil sa EDSA Busway Project. Partikular na nangyari ang aksidente sa u-turn slot na malapit sa Quezon City Academy na binuksan noong isang linggo upang mabawasan ang matinding traffic sa lugar dahil sa konstruksiyon ng isang busway sa pagitan ng Balintawak at Quezon Avenue.