ni Lolet Abania | December 27, 2020
Sa naganap na pulong kasama ang mga miyembro ng gabinete tungkol sa patuloy na paglaban ng bansa sa COVID-19, humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa inalis niya ang kanyang face mask at nagbiro na hindi naman aniya siya aarestuhin.
“Pardon me if I remove my mask. I cannot pronounce the words properly. This thing is bothering me. Pasensiya na kayo,” sabi ni Pangulong Duterte sa isang live briefing kahapon.
“Hindi naman siguro, wala namang hulihan dito. Well, no one is above the law. When it says that you are violating a certain regulation. Ang problema, hindi ako makapagsalita. I seem to stammer ang bunganga ko,” dagdag ng Chief Executive.
Matatandaang noong July inatasan ni Pangulong Duterte ang mga pulis na arestuhin at i-detain ang mga mahuhuling hindi nagsusuot ng face mask dahil sa COVID-19 pandemic.
Ang naganap na meeting kahapon ni P-Duterte kasama ang mga Cabinet members at ang mga infectious disease experts ay upang talakayin ang bagong strain ng novel coronavirus na naitala sa United Kingdom.
Sa nasabing pulong, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang extension ng travel ban sa lahat ng flights mula sa UK, kabilang din dito ang mga transited mula sa UK, ng dagdag na dalawang linggo kung saan magtatapos sa kalagitnaan ng Enero, 2021.