ni Lolet Abania | December 31, 2020
Nagbigay ng babala sa mga residente ng Maynila si Mayor Isko Moreno na sinumang mahuhuling gumagamit ng mga paputok o anumang uri ng fireworks ay aarestuhin ng mga awtoridad, kahit pa nasa loob ng kanilang bahay.
"We are always certain about our rules. While it is true that we're trying to be diplomatic as much as possible by asking o paghihikayat, but kung nilalabag po, marami pong police na naka-deploy sa buong Maynila, at maraming posibleng mahuli dahil huhulihin po talaga," ani Moreno sa kanyang briefing ngayong Huwebes.
Sinabi ni Moreno na nararapat na ang lungsod ng Maynila ay makapagdiwang ng Bagong Taon nang mapayapa.
"But then again, we will. Marami pong pulis, huwag ninyo na pong subukin. Wala pong piskalya ngayon, 'pag nahuli kayo ng pulis sa violation ng mga batas, naku, Diyos ko, biruin ninyo, unang linggo ng taon, nasa oblo (loob) kayo," sabi ng alkalde.
Matatandaang nagkaisa ang mga Metro Manila mayors na ipagbawal ang paggamit ng lahat ng uri ng paputok ngayong holiday season, kasabay ng pagpasa ng isang resolusyon para rito.
Ang mga siyudad ng Valenzuela, Marikina, Navotas, Parañaque, Muntinlupa, Quezon City ay nagpasa na ng mga ordinances para ipagbawal ang firecrackers sa kanilang lugar, habang ang Caloocan City ay nag-isyu ng memorandum sa mga barangay chairmen para ipaalala ang nasabing ban.
Gayunman, may ilang local government units (LGUs) na sinasabing maglalagay na lamang sila ng patakaran tungkol dito kabilang na ang Mandaluyong City.