ni Lolet Abania | January 4, 2021
Naglabas ng babala ang Department of Health (DOH) na maaaring mawalan ng lisensiya ang sinumang doktor na mapapatunayang sangkot sa pagtuturok ng hindi rehistradong COVID-19 vaccines.
Sa Laging Handa public briefing ngayong Lunes, sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na nakikipag-ugnayan na ang ahensiya sa Professional Regulation Commission (PRC) para talakayin ang liability ng mga doktor na madadawit sa ilegal na pagbabakuna.
“Tama ho kayo,” sabi ni Duque tungkol sa isyu ng pag-a-administer ng mga doktor sa unregistered COVID-19 vaccines. “Makikipag-ugnayan po ang Departamento ng Kalusugan sa PRC para tingnan kung ano po ba ang mga kalalabasan ng investigation, kung sino po ba ang mananagot,” dagdag ng kalihim.
Ayon kay Duque, ang magiging hakbang ng mga ahensiya ay nakadepende pa rin sa resulta ng imbestigasyon ng Food and Drug Administration (FDA).
Matatandaang ibinulgar ni Pangulong Rodrigo Duterte na may ilang miyembro ng militar ang naturukan na ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm.
Ipinaliwanag naman ni PSG commander Brigadier General Jesus Durante na natanggap ng kanyang mga tauhan ang COVID-19 vaccine nang libre, subalit itinanggi ang pagkakakilanlan ng donor.
Ipinagtanggol din ni Durante ang nangyaring pagbabakuna. Aniya, “President Duterte’s close-in-security detail needs to ensure that they are not themselves a threat to the President's health and safety.”
Ayon pa kay Durante, ang military personnel ang nag-inject ng nasabing vaccines sa kanilang sarili at wala sa labas ng military ang sangkot sa vaccination.