ni Lolet Abania | January 12, 2021
Isinasagawa na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang renovation ng mga vaccination centers sa lungsod bilang bahagi ng inoculation program para sa COVID-19.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte sa isang panayam ngayong Martes, "We have already identified 24 here in Quezon City with the help of the third party. We are now in the process of renovating these centers and we have also identified a cold storage facility for the vaccinations."
May kabuuang 1.1 milyong AstraZeneca vaccines ang tiyak na makukuha ng city government para sa mga residente ng lungsod.
Ayon pa kay Belmonte, inaasahang mabebenepisyuhan ng nasabing vaccine ang tinatayang 550,000 residente.
Aminado naman si Belmonte na mayroong takot at pagdududa mula sa mga residente tungkol sa COVID-19 vaccines. Kinakailangan lang daw na ipaliwanag sa kanila nang husto ang pagiging epektibo ng bakuna laban sa sakit.
"They're undecided based on fear. If you can just reassure them on the safety and efficacy of the vaccines, I think it will change their minds," ani Belmonte.
Isa ang Quezon City sa lokal na pamahalaan ng Metro Manila na nakasama sa tripartite agreement ng national government at AstraZeneca upang makakuha ng vaccines na gagamitin para sa kanilang nasasakupan.