ni Lolet Abania | January 17, 2021
Tatlong sundalo ang namatay matapos na pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Legazpi City ngayong Linggo ng umaga, ayon sa Philippine Army's Southern Luzon Command.
Sa ulat na inilabas ni SolCom commander Lieutenant General Antonio Parlade Jr., naganap ang insidente sa Barangay Bangkerohan.
Ayon pa sa opisyal, ang mga biktima ay walang dalang armas at nakasibilyan na dadalo sa isang pagpupulong na kasama ang lokal na pamahalaan upang pag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng security para sa isasagawang road construction project nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.
Naniniwala ang militar na posibleng pagganti ang motibo ng mga hinihinalang NPA makaraang magsagawa ng combat operation ang mga sundalo laban sa kanila kamakailan.
Sa nasabing operasyon ay nagresulta ito ng pagsuko ng 11 miyembro ng NPA kabilang dito ang isang vice platoon leader.
Wala pang ibinigay na detalye si Parlade sa pagkakakilanlan ng mga nasawing sundalo.