ni Lolet Abania | January 17, 2021
Naglabas ng babala ang pamahalaan tungkol sa nagkalat na mga scammers na nag-iisyu umano ng pekeng "travel exemption letters" na kinakailangan ng mga dayuhan na papasok sa Pilipinas habang may mga travel restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa isang statement ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagbabala ang ahensiya sa publiko laban sa mga namemeke na nag-o-offer ng travel exemptions kapalit ng malaking halaga. Kasama na rito ang pagkakaroon ng passport appointment assistance gamit ang social media.
"We do not collect any 'travel exemption' fees nor charge foreign nationals permitted to enter the country in accordance with the protocols laid down by the IATF and the Office of the President," sabi ni Assistant Secretary for Consular Affairs Neil Frank Ferrer.
Matatandaan noong nakaraang taon, pansamantalang sinuspinde ng DFA ang visa issuance at iba pang pribilehiyo dahil sa pandemya, at noong nakaraang linggo, pinalawig ang travel restrictions sa mga foreign travelers mula sa mahigit 30 bansa hanggang sa katapusan ng Enero upang maiwasan ang pagkalat ng bagong Coronavirus variant, kung saan may naiulat nang kumpirmadong kaso sa bansa.
Nakasaad din sa statement ng DFA, na ang mga embahada at consulates ay hindi naniningil para sa booking appointments para sa consular services at passport services.
"The Department has received reports that some enterprising individuals are taking advantage of the pandemic by pretending to provide assistance to book a passport appointment in exchange for money," pahayag ni Ferrer.
Dagdag pa ng opisyal, "The DFA strongly advises the public to be vigilant and wary of such illegal services. Please help us by reporting any group or individual involved in these fraudulent services."
Sinabi pa ng DFA, sinuman ang nais na magtanong at mag-report ng kaganapan ay maaaring tumawag sa kanilang hotline sa 8836-7763 or 09683958599, o mag-e-mail sa oca.visa@dfa.gov.ph, o sa official social media pages ng ahensiya.