ni Lolet Abania | January 24, 2021
Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Linggo ng pitong volcanic earthquakes mula sa Bulkang Mayon sa nakalipas na 24-oras.
Naglalabas din ang bulkan ng puting usok na may dalang mga plumes na dumadaloy pababa bago umagos pahilagang bahagi nito.
Ayon sa PHIVOLCS, ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan ay may average na 676 tonnes kada araw simula pa noong Disyembre 29, 2020.
Patuloy ang paalala ng ahensiya sa publiko na nananatiling nasa Alert Level 1 ang buong lugar sa Bulkang Mayon.
Gayundin, pinapayuhan ng PHIVOLCS ang lahat na iwasang pumasok sa 6-kilometrong radius permanent danger zone sa paligid ng bulkan dahil sa panganib ng rockfalls, landslides, pagguho, ash puffs at steam-driven o phreatic eruptions na posibleng mangyari anumang oras.