ni Lolet Abania | January 29, 2021
Nagbigay ang United States ng mahigit sa P24 million donasyon sa Pilipinas para sa immunization program laban sa measles, rubella, at polio.
Sa isang statement ng US Embassy na inilabas ngayong Biyernes, ang gobyerno ng Amerika sa pamamagitan ng US Agency for International Development (USAID) katuwang ang ating pamahalaan at iba pang development partners ay naglunsad ng ikalawang bahagi ng Measles-Rubella and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity.
Ang MR OPV SIA Phase 2, ay follow-up sa isinagawa ng gobyerno na Phase 1 immunization campaign noong nakaraang taon, kung saan nakabilang dito ang buong Visayas, Metro Manila, Central Luzon, at rehiyon ng CALABARZON.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 4.8 milyong mga bata na nasa 5-anyos laban sa polio, at 5.1 milyong mga bata naman sa pagitan ng siyam at 59-buwang-gulang laban sa measles at rubella.
Sa pakikipagtulungan ng UNICEF, kasama ng USAID assistance ang technical expertise, logistics support at community engagement para sa kampanya ng vaccination.
Kaisa si USAID Philippines Mission Director Lawrence Hardy II at mga representatives mula sa gobyerno tulad nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, Cavite Rep. Luis Ferrer IV at General Trias Mayor Antonio Ferrer sa paglulunsad ng pambansang kampanya ng immunization program sa General Trias City Medicare Hospital sa Cavite ngayong January 29.
“Vaccination saves lives and prevents disabilities from such diseases. These vaccines can give our vulnerable children a good start at life so they can grow into healthy and productive adults. Above all, no child should be left behind,” ani Duque.
Samantala, nanawagan si Hardy sa mga local leaders na suportahan ang isinasagawang immunization programs at himukin ang mga magulang at guardians ng mga bata na pabakunahan ang mga ito laban sa nakamamatay na sakit.
“Our efforts to protect Filipino children from these diseases will enable them to attend school, participate in community activities, and contribute fully to society,” ani Hardy.