ni Lolet Abania | February 1, 2021
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng price cap para sa baboy at manok sa loob ng 60 araw sa National Capital Region, batay sa isang report na inilabas ng PTV-4 na istasyon ng gobyerno.
Pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 124 matapos ang naging kahilingan ng Department of Agriculture (DA).
Matatandaang iminungkahi ng DA kay P-Duterte na magpatupad ng price freeze sa mga nasabing produkto gaya ng P270 kada kilo para sa kasim at pigue, P300 kada kilo sa liempo, at P160 kada kilo para naman sa karne ng manok.
Sinisi naman ni DA Secretary William Dar ang mga mapagsamantalang traders at wholesalers sa pagtaas ng presyo ng baboy sa gitna ng pagkalat ng African swine fever (ASF).
Ayon kay Dar, ilang mga traders at wholesalers ang nagkakaroon ng malaking profit margin ng mahigit sa P200 kada kilo sa pagitan ng farmgate price ng buhay na baboy at sa retail price ng karneng baboy sa mga palengke at pamilihan.
Noong nakaraang linggo, naiulat na ang COVID-19 task force ng gobyerno ay sinuportahan ang hindi pagluluwas at pagbibiyahe ng mga baboy mula sa Visayas at Mindanao.
Gayunman, ayon sa DA, ang mga imported na baboy ay inaasahang darating nitong February mula sa mga ASF-free na bansa na umabot sa kabuuang 54,000 metric tons.